Balita

PH-Australia Kasangga war games sa Capiz, kinundena ng mga progresibong grupo

,

Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Panay at Bayan-Australia ang inilulunsad na PH-Australian Kasangga 2025-02 war games (o Philippines-Australia Army-to-Army Exercise) na upisyal na binuksan noong Oktubre 8 sa Camp Peralta sa Jamindan, Capiz. Tinawag ng dalawang grupo na paglabag sa pambansang soberanya, naghahatid ng kapahamakan at perwisyo sa kabuhayan ng masa ang war games na tatagal nang isang buwan.

Ang Kasangga 2025-02 ay ikalawa sa serye ng mga war games ng Pilipinas at Australia ngayong taon. Inilunsad ang unang serye ng Kasangga war games noong Mayo sa Mindanao.

Daan-daang tauhan ng 3rd ID at Australian Defence Force (ADF) ang kalahok sa kasalukuyang war games. Sinasabing palalakasin ng mga pagsasanay ang “interoperability” at tulungang militar sa pagitan ng ADP at pwersa ng Pilipinas.

Ayon sa Bayan-Panay, itinatago sa likod ng katawagang “interoperability” sa pagitan ng dalawang armadong pwersa ang katotohanan na layunin ng war games na pagtibayin ang Philippine Army bilang reserbang tropa ng US sa gerang inuudyukan nito sa rehiyong Asia-Pacific. Katuwang ng US ang Australia sa alyansang militar na AUKUS at Quadrilateral Security Dialogue (Quad).

Paliwanag ng grupo, lubhang taliwas sa ipinapahayag na layunin ng war games na paunlarin ang kakayahan ng Pilipinas na ipagtanggol ang sariling soberanya at soberanong karapatan ang nangyayari sa katotohanan. “Sa kabaligtaran, pinapalala nito ang pagiging palaasa ng bansa sa mga dayuhang kapangyarihan at kanilang mga alyado, pagpapatupad ng doormat foreign policy, at nilalabag ang soberanya ng sambayanang Pilipino,” anang grupo.

Dagdag ng Bayan-Panay, ang mga war games kasama ang Australian Army ay magpapatibay lamang sa mga seryosong banta na dulot ng mga tropang Pilipino sa kaligtasan at seguridad ng mga komunidad sa Capiz. Bantog ang Philippine Army at 3rd ID sa madudugong mga krimen sa Capiz at buong Panay kabilang na ang Tumandok Massacre noong Disyembre 2020.

“Ang presensya ng tropang Australian ay lalo lamang nagpapalakas ng loob ng mga pwersa ng estado, na nagpapalala ng panliligalig, pagpapalayas, at terorismo na dinaranas ng mga lokal at katutubong komunidad,” ayon sa Bayan-Australia. Ang parehong mga komunidad na ito ang nililigalig ng kampanyang “kontra-insurhensya” ng rehimeng Marcos na tumatarget sa lehitimong pagtutol, mga sibilyang organisasyon, at mga tagapagtanggol ng lupa at karapatan.

Itinutulak ng Bayan-Australia ang agarang pagtigil sa Kasangga war games, pagpapalayas sa tropa ng US, Asutralia at iba pang dayuhang bansa mula sa teritoryo ng Pilipinas, at wakasan ang ayuda at pagsasanay militar na ibinigay ng gubyerno ng Australia sa armadong pwersa ng Pilipinas.

Nanawagan ang dalawang grupo sa mamamayan ng Capiz, ng Panay at lahat ng nagmamahal sa kapayapaan sa buong mundo na labanan ang dayuhang interbensyong militar, batikusin ang rehimeng US-Marcos at ipagtanggol ang pambansang soberanya.

AB: PH-Australia Kasangga war games sa Capiz, kinundena ng mga progresibong grupo