Balita

Pilipinang idinitene sa US, nagtagumpay sa kanyang kaso laban sa ICE

, ,

Matagumpay na nakalaya si Alma Bowman mula sa detensyon sa Stewart Detention Center sa Lumpkin, Georgia noong Nobyembre 26. Kinatigan ng korte ang isinampang petisyon ng kanyang mga abugado para sa habeas corpus na nagigiit na labag sa kanyang karapatan ang pagdetine sa kanya ng Immigration and Customs Enforcement (ICE). Walong buwan siyang nakakulong sa pasilidad ng ICE.

Nakalaya si Bowman sa tulong ng kanyang mga abogado mula sa Asian American Advancing Justice-Atlanta at Center for Constitutional Rights, at tuluy-tuloy na pagkampanya ng “Justice for Alma Bowman.” Inilunsad ang kampanya ng Malaya Movement USA at tsapter nito sa Georgia, Tanggol Migrante Movement, National Defend Migrant Workers Campaign, Gabriela USA, International Women’s Alliance at komunidad ng mga Pilipino.

Si Bowman ay mahigit limang dekada nang naninirahan sa US. Ang kanyang ama ay Amerikano at kanyang ina ay Pilipino. Bilang anak nang isang Amerikano, dapat kinilala siya bilang mamamayan ng US sa ilalim ng Immigration and Nationality Act (INA) ng 1952.

Bagamat nakalaya na siya, hindi pa tapos ang kanyang laban para patunayan na isa siyang American citizen. Ayon sa Tanggol Migrante Movement at Defend Migrant Alliance, ang naranasang paghihirap ni Bowman ay nagpapakita kung paano maaring madetine ang sinuman sa anti-migranteng polisiya ng rehimeng Trump.

“Bagamat isa itong malaking tagumpay para sa pamilya at mga kaibigan ni Alma, patuloy kaming lalaban para sa tunay na kalayaan…para sa mga biktima ng marahas na anti-migranteng polisiya sa US,” pahayag ni June Colcol ng Tanggol Migrante Movement.

AB: Pilipinang idinitene sa US, nagtagumpay sa kanyang kaso laban sa ICE