Pilipinong idinetine ng ICE sa US, nakalaya na
Masayang nagdiwang ang halos 275 taga-suporta ni Lewelyn Dixon sa kanyang paglaya kahapon, Mayo 29 sa labas ng NorthWest Ice Detention Center (NWDC) sa Tacoma, Washington. Dinaluhan ang huling pagdinig sa kaso ni Dixon ng kanyang mga kaanak, kaibigan, kasama sa unyon, myembro ng Tanggol Migrante at iba pang organisasyon na sumusuporta sa laban ng mga migrante.
Nagdesisyon ang korte na hindi dapat ipadeport si Dixon dahil permanente siyang residente ng US nang mahigit 50 taon, mahaba ang kasaysayan niya ng pagtatrabaho at pagbabayad ng buwis, marami siyang kamag-anak sa US at dahil maraming mga sulat na ipinasa sa korte na sumusuporta sa kanya.
Si Dixon, 64, ay isang lab technician sa University of Washington. Noong Pebrero 28, hinuli siya ng mga ahente ng Customs and Border Protection sa Seattle-Tacoma International Airport habang papauwi siya sa US galing sa Pilipinas. Dinitine siya NWDC mula pa noong Pebrero.
“Ang pinakamalaking dapat maunawaan na umpisa pa lamang, hindi siya dapat nasa lugar na yun (NWDC),” pahayag ni Emily Cristobal, pamangkin ni Dixon sa dumalo sa pagtitipon. Pinuri niya ang mga sumuporta sa kanyang tiyahin. Aniya, ang ipinakitang pakikiisa ng maraming organisasyon at unyon ang nagpapakita ng “tunay na komunidad.”
“Kung wala kayo, wala sana kami dito ngayon,” aniya.
Nagdiwang din ang Tanggol Migrante Network sa paglaya ni Dixon. Anito, tumindig si Dixon hindi lamang sa kanyang sarili kundi para rin sa mga Pilipino na patuloy na nakadetine sa NWDC na hindi makatwirang idinitine.
“Siya at kanyang pamilya ay nasa unahan ng laban para sa pagtatanggol sa mga Pilipinong mangagawang migrante, naggigiit ng pananagutan sa gubyerno ng Pilipinas na tuparin nito ang kanyang tungkulin sa kanilang mga pinabayaan sa ICE Detention. Pinagpupugayan namin ang lahat ng nag-organisa at nagpakilos sa buong bansa-mula Washington hangang Hawaii, Oregon, California hangang Washington DC para ipagtanggol si Tita Lyn at isulong ang kanyang paglaya,” ayon sa grupo.
Ayon sa SEIU local 925, ang union ni Dixon, “lubos kaming nagagalak na makakauwi na rin si Lewelyn sa kanyang pamilya pagkatapos ng ilang buwan ng walang kasiguraduhan sa ICE detention.” Anito, nakalaya si Dixon dahil sa paggigiit ng mga organisasyon sa mga rali, paggawa ng mga sulat, pagkontak sa mga nasa katungkulan at paglakas ng ating mga boses.
“Ngunit habang nagdiriwang tayo sa pag-uwi ng ating kapatid sa unyon, dapat patuloy tayo sa paglaban upang matiyak na wala na muling malalagay sa parehong pinagdaanan ni Lewelyn,” anito.