Pinsala dulot ng tagtuyot sa panahon ng El Niño, halos ₱6 bilyon na

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Umabot na sa ₱5.6 bilyon ang pinsalang dala ng tagtuyot dulot ng El Niño, ayon sa datos na inilabas ng Department of Agriculture noong Mayo 3. Pinakamalaki ang pinsala sa rehiyon ng Mimaropa na umabot s sa ₱1.7 bilyon, Western Visayan (₱1.49 bilyon), Cordillera (₱767 milyon) at Cagayan Valley (562 milyon).

Ayon sa Department of Agriculture, katumbas sa ₱3.1 bilyon ang nasirang palay, ₱1.76 bilyong mais at ₱958 milyong high-value crops. Karamihan sa mga nasirang palay at mais ay malapit nang maani. Nasa 104,402 ektaryang mga sakahan ang napinsala, na sumalanta sa 113,585 magsasaka at mangingisda.

Nasa 131 nang syudad at bayan ang nagdeklara ng state of calamity sa buong bansa dulot ng El Niño. Sa mga ito, 41 ang dumaranas ng matinding tagtuyot. Liban sa pinsala sa agrikultura, tinamaan din ang suplay ng maiinom na tubig ng mga residente.

Ayon sa mga meteorologist, o mga eksperto sa panahon, isang buwan pang tatagal ang El Niño bago ito magtatransisyon sa “nyutral na kundisyon” o di kaya’y tumungo sa pagiging La Niña, ang kabilang mukha ng El Niño-Southern Oscillation (ENSO) cycle. Kinatatangian ang La Niña ng di pangkaraniwang lamig sa karagatan, na nagbubunsod ng mas malakas na hangin patungo sa Asia.

Nagreresulta ito sa malalakas na ulat at pagbaha sa kalakhan ng Pacific Northwest at Canada. Nagdudulot din ang pagtulak ng malamig na temperatura sa karagatan ng matitinding bagyo. Tulad ng El Niño, posibleng tatagal din ang penomenon ng La Niña nang siyam hanggang 12 buwan. Ngayon pa lamang, pinangangambahan na ang epekto naman nito sa susunod na siklo ng pananim sa Pilipinas.

AB: Pinsala dulot ng tagtuyot sa panahon ng El Niño, halos ₱6 bilyon na