Balita

Piso na dagdag sa presyo ng tabako, limos ng mga korporasyon

,

Kinundena ng mga magsasaka ng tabako sa ilalim ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP Exploitation) ang piso na dagdag na presyo sa tabako ng Tabacco Consultative Tripartite Conference na pinasinayan ng National Tabacco Administration (NTA).

Ayon sa grupo, nakakainsulto ang kakarampot na taas presyo, na mistulang limos lamang. Napakalayo nito sa kanilang panawagan na makatarungang presyo na ₱128 kadal kilong floor price na walang klasipikasyon. Anito, pinapakita lamang nito na paghuthot ng labis na kita mula sa mga magsasaka ang tanging hangarin ng mga traders at tira-tirang sentimo lamang nais nilang ibigay sa mga magsasaka.

Nagmamalinis naman ang si Michael Tan mula sa kumpanyang Continental Leaf Tobacco Philippines Inc., at kinatawan ng pribadong sektor sa kumperensya at nagbigay ng kung-anu-anong dahilan kung bakit hindi pwedeng itaas ang presyo ng tabako. Kabilang sa mga rason ang “pagbaba ng kita,” “pagbaba ng porsyento ng bumibili sa kanila na tagamanupaktura” at “may isang milyong backlog” na di pa nabibiling tabako sa mga magsasaka o sobrang suplay. Wala naman itong maipakitang datos nang maggiit ang mga magsasaka.

Kasalukuyang nakapako sa humigit-kumulang ₱97 kada kilo ang bilihan ng tabako, na minsan ay sumasadsad sa ₱50, depende sa klasipikasyon at kalidad.

Noong Oktubre 7, sa unang araw ng kumperensya sa Quezon City, matagumpay na naigiit ang pagpapasok ng mga kinatawan ng mga magsasaka ng tabako mula sa Ilocos, ngunit wala sa loob ng kumperenya ang mga trader. Anila, ang hindi pagdalo ng mga trader sa kumperensya ay isang pambabastos sa hinaing at panawagan ng mga magsasaka.

Dapat ding itigil ng NTA ang pag-asta nito bilang tagapagtanggol ng mga ganid na kumpanya ng tabako na patuloy na inuupos ang kabuhayan ng masang magsasaka.

Sa kabila ng malaking kontribusyon ng mga magsasaka sa pagpapalago ng industriya ng tabako at kinikitang milyun-milyon ng estado mula sa buwis o excise tax sa sigarilyo, patuloy silang pinagsasamantalahan at ginagapos sa tanikala ng kahirapan, baon sa utang, nagdurusa sa kagutuman, pagtaas sa presyon ng mga bilihin at kawalan ng subsidyo mula sa estado.

Dagdag insulto at dagok sa mga magsasaka ng tabako, sa halip na pagsilbihin ang excise tax sa tabako sa mga magsasaka at mamamayan, binubulsa at nilulustay ito ng mga pulitiko at upisyal ng gubyerno sa mga proyektong hindi natin nararamdaman, dagdag ng grupo

“Hindi tayo uurong sa panawagan na ₱128 kada kilo. Ito ang minimum na makatarungang presyo na nararapat sa bawat magsasaka. Hindi ito hiling, ito’y karapatan na matagal nang ipinagkakait. Kaya’t tayo ay tumindig! Labanan ang pambabarat, pandaraya, at panloloko ng mga gahaman na kumpanya sa mga magsasaka ng tabako!” pahayag ng grupo.

AB: Piso na dagdag sa presyo ng tabako, limos ng mga korporasyon