Pito, nasugatan sa demolisyon sa Sityo Balubad

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pitong residente ng Sityo Balubad sa Barangay Anunas, Angeles City, Pampanga ang nasugatan ngayong araw, Marso 12, sa walang-patumanggang pamamaril ng mga pulis kasabay ng pagbuwag sa barikada ng mga residente ng may 500 pinagsanib na mga pulis at maton ng Clark Hills Properties Corporation. Apektado ng planong demolisyon ang mahigit 500 kabahayan sa 72-ektaryang lupang kinakamkam ng naturang kumpanya. Tinatayang 2,000 residente ang biktima ng pang-aagaw ng lupa.

Marahas na giniba ng mga pwersa ng estado at maton ang bahay na malapit sa barikada at sapilitang pinasok ang mga lagusan ng baryo kasabay ng pambabato ng demolition team sa mga nagbabarikadang residente. Sa harap ng pagtatanggol ng mga residente, nagpaputok ng baril ang mga pulis na nakasugat sa pitong residente sa kanilang mga dibdib at hita.

Kinundena ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) ang mga pwersa ng estado paggamit ng karahasan ng sa mga residente at ang demolisyon. “Ang pamamaril na ginawa ng mga pulis, SWAT at security guards ay manipestasyon na hindi nila ginagampanan ang makapagpanatili ng peace and order kundi mas pagtatanggol sa mayayamang nangangamkam ng lupa!” pahayag pa ng grupo.

Naiulat din ang panggigipit at panghaharas ng mga kabilang sa demolition team sa mga mamamahayag at midya na nasa lugar para ibalita ang insidente. Kabilang dito si Rowena “Weng” Quejada na tagapagbalita ng K5 News Olongapo FM na dinampot ng armadong lalaki at ipinailalim sa interogasyon. Ayon sa mga ulat, tinutukan siya ng baril at pinagbawalang magbidyo. Tinawag na “demonyo” ang midya na nasa lugar na nag-uulat sa nagaganap na pangangamkam ng lupa. Tinakot din mga armadong pwersa ang tagapag-ulat ng Rappler na si Joann Manabat.

Kinundena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang panggigipit at karahasang ito sa midya. Dagdag ito sa humahabang listahan ng pagtapak sa kalayaan sa pamamahayag sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Itinayo ng mga residente ng Sityo Balubad ang isang barikada laban sa demolisyong noong Oktubre 2023. Dalawang beses na binigo ng pagkakaisa at paglaban ng mga residente ang tangkang demolisyon noong Oktubre 2023 at Pebrero ngayong taon.

Ang lupa ay pag-aari ng mga residente at mayroon silang mga certificate of land ownership award (CLOA) at resibo ng buong kabayaran nito sa Landbank of the Philippines. Pinangangambahan ding maapektuhan ng pangangamkam at demolisyon ang katabing mga barangay ng Cuayan at Sapangbato.

Samantala, ayon sa AMGL, ang sitwasyon sa Sityo Balubad ay katulad sa iba pang bahagi ng rehiyon. Bahagi umano ito ng mga agresibong proyektong “pangkaunlaran” sa buong prubinsya ng Pampanga at maging sa Central Luzon na para lamang sa ganansya ng iilan. Bahagi ito ng grandyosong planong Greater Capital Region na inilalako ng mga negosyante at mayayaman, paliwanag ng grupo.

AB: Pito, nasugatan sa demolisyon sa Sityo Balubad