Balita

PKP, nakiramay at nakiisa sa mamamayan ng Saranggani, katabing mga prubinsya sa Mindanao

Nagpaabot ng mahigpit na pakikiisa at taos-pusong pakikiramay ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mamamayan ng Sarangani, General Santos City, at mga katabing prubinsya, matapos yanigin ang naturang mga lugar ng malakas na lindol noong Hunyo 8.

Umabot sa Intensity VIII (Very Destructive) ang lakas ng lindol na nagdulot ng malawakang pagkawasak ng mga gusali at humigit-kumulang 2,900 tahanan. Sa mga ulat nitong Hunyo 10, umaabot na sa 45 ang naitalang namatay habang 630 ang sugatan.

“Ipinararating ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mahigpit na pakikiisa sa mamamayan ng Sarangani at mga katabing prubinsya ng Mindanao,” pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP. “Nakikiramay kami sa mga pamilya ng mga nasawi at nasaktan sa mga gumuhong istruktura.”

Nananawagan ang PKP sa sambayanang Pilipino na magkapit-bisig para iparating ang kinakailangang tulong sa mamamayan na labis na sinalanta ng lindol, higit lalo ang masang anakpawis na nasira o naabala ang kabuhayan sa araw-araw nilang pagbabanat ng buto para itawid ang buhay ng kani-kanilang pamilya.

Nanawagan din ito sa lahat ng mamamayang nagmamalasakit na magkaisa sa pag-aabot ng lahat ng anyo ng tulong na kailangan ng mga nasalanta. Mahigpit ang pagtutulungan ng mga rebolusyonaryong organisasyong saklaw ng National Democratic Front (NDF), at ng NDF-Mindanao, katuwang ang mga Pulang mandirigma ng New People’s Army, para ihatid ang lahat ng kailangang tulong sa masang nasalanta para sa kagyat nilang ginhawa at pagbangon.

Samantala, hindi nakaligtas ang mga paaralang nagbubukas para sa unang araw ng klase nang tumama ang lindol. Maraming paaralan ang nagtamo ng malalaking pinsala. Ayon sa grupo ng mga guro, nagpapakita ito ng bulnerabilidad ng mga pasilidad sa edukasyon. Panawagan nila, imbestigahan kung ang mga gusaling nawasak ay gawa na sa mahihinang materyal, at kung nagkaroon ba ng korapsyon sa konstruksyon. Anila, kailangang agad na ipailalim sa inspeksyon ang mga eskwelahan at kumpunihin ang mga nasira para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at guro.

AB: PKP, nakiramay at nakiisa sa mamamayan ng Saranggani, katabing mga prubinsya sa Mindanao