Balita

Plano ng AFP na bumili ng Typhon missile systems, binatikos ng Bayan Muna

, ,

Tinuligsa ng Bayan Muna Party-list ang inianunsyong plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumili ng Typhon Mid-range Capability (MRC) missile system. Ayon sa ikalawang nominado ng partido na si Atty. Carlos Isagani Zarate, ilalagay lamang nito sa panganib ang bansa.

“Ang pagbili ng Typhon missiles ay maglalagay lamang sa ating bansa sa mas malaking panganib. Nararapat lamang na kundenahin ng sambayanang Pilipino ang administrasyong Marcos Jr at ang amo nitong US dahil sa umanong pagkakaladkad nito sa bansa bilang target para sa digmaang nukleyar mula sa mga bansang hindi naman natin kaaway,” ayon kay Atty. Zarate.

Matatandaan na ilang ulit na binatikos at nagbabala ang mga bansang tulad ng China at Russia laban sa pagpwesto ng US ng Typhon MRC missle system sa Pilipinas noong Abril. Dinala sa bansa ang misayl at ginamit sa pinakamalaking serye ng Balikatan war games noong unang bahagi ng taon. Unang itinago ang lokasyon ng naturang opensibong armas bago ito nabunyag na nakapusisyon sa sibilyang paliparan ng Laoag sa Ilocos Norte, isang rehiyong walang deklaradong base militar ng US o “EDCA site.”

May kapasidad ang Typhon MRC na magpakawala ng Tomahawk at SM-6 na mga misayl na may kakayahang lumipad nang hanggang 1,600 kilometro. Nagsimulang magmanupaktura ang US ng gayong uri ng armas simula 2019 na dati ay ipinagbabawal sa ilalim ng Intermediate-Range Nuclear Forces (INF) Treaty, isang tratadong nukleyar sa pagitan ng US at noo’y USSR na pinirmahan noong panahon ng Cold War. Kumalas ang US sa kasunduang ito noong 2019.

Dapat ay tatanggalin na sa bansa ang Typhon missile system noong Setyembre ngunit umatras ang US at rehimeng Marcos sa pangakong ito. Batay sa mga ulat at satellite images, ang Typhon system ay nananatiling nakapusisyon sa Laoag International Airport sa Laoag City.

Ayon kay Atty. Zarate, “hindi solusyon ang pagbili ng mga high-tech na armas na ito.” Nanawagan ang dating mambabatas sa administrasyong Marcos na sumunod sa nakasaad sa konstitusyon sa pamamagitan ng pagtataguyod ng nagsasariling patakarang panlabas. “Dapat walang armas nukleyar at dayuhang mga tropang militar sa Pilipinas,” aniya.

Ipinunto rin ni Atty. Zarate na lalo lamang mababaon sa utang ang Pilipinas sa ganitong mga klase ng pagbili ng mga armas sa US. Ipinamamalas rin umano ng ganitong aksyon ng rehimen ang tahasang pangangayupapa at pagsusunud-sunuran ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US sa kapinsalaan ng mga Pilipino.

Pinalalabas ng AFP na magiging bentahe ang pagkakaroon ng Typhon MRC laban sa mga sinasabi nitong banta sa sobernya ng Pilipinas. Ang planong ito ng rehimeng Marcos ay alinsunod sa patakarang “first-island chain” ng imperyalismong US laban sa katunggaling imperyalistang bayan na China.

Sa pahayag ng Chinese Foreign Ministry, tinawag nitong “nakapang-uupat at mapanganib” ang hakbang na ito ng Pilipinas dahil lalong paiinitin nito ang mga panrehiyong tensyon.

AB: Plano ng AFP na bumili ng Typhon missile systems, binatikos ng Bayan Muna