Plano ng US na ibenta ang mga "EDCA site" sa Taiwan, pagyurak sa soberanya at “dobleng sampal” sa mga Pilipino
Mariing kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang plano ng US na “ibenta” ang mga EDCA site o mga base militar nito sa Pilipinas sa Taiwan. Isasagawa ito sa tabing ng pagpopondo ng Taiwan sa mga pagpapaunlad ng imprastruktura sa loob ng naturang mga base militar.
“Ang planong ito ay tahasang pagyurak sa pambansang soberansya ng Pilipinas,” ayon Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP. Ang ekstra-teritoryal na mga karapatan ng US na inako nito sa ilalim ng EDCA ay ibinebenta nito ngayon sa Taiwan. “Dobleng sampal” ito sa mga Pilipino.
Lalo nitong ibinubunyag ang tunay na layunin sa pagtatayo ng mga base militar ng US sa Pilipinas, ayon kay Valbuena. Klarong-klaro na malaking kasinungalingan ang sinasabing ang mga ito ay para sa depensa ng bansa.
“(A)ng mga ito ay para sa ambisyon sa hegomonya ng US sa rehiyon, laban sa patuloy na paglakas ng kapangyarihan sa ekonomya at militar ng imperyalistang karibal nitong China, na inilulusot sa ngalan ng “pagdepensa sa Taiwan,” ayon kay tagapagsalita.
Sa ngayon, palagian nang nakapakat na mga barkong pandigma at tropa ng US sa Pilipinas. Nitong Nobyembre lamang, nagsagawa ang warship nitong USS Nimitz ng mapang-udyok na mga maniobra sa Scarborough Shoal, ang tradisyunal na pangisdaan pareho ng mga Pilipino at Chinese na mangingisda.
“Dapat mariing tutulan ng mamamayang Pilipino ang pakanang ito ng US at papanagutin ang papet na rehimeng Marcos sa malulubhang paglabag sa soberanyang Pilipino,” ayon kay Valbuena.
Sa pagsusunud-sunuran sa US, pinalalala ni Marcos ang antagonismo at armadong sigalot sa buong rehiyon ng Asia.
Pagbebenta ng soberanya
Lumitaw ang pakanang “pagbebenta ng EDCA site” sa Taiwan sa ulat ng United States–China Economic and Security Review Commission (USCC) na isinapubliko noong Nobyembre 18. Sa isang panayam, direktang inamin ng pangalawang tagapangulo ng USCC na si Randall Schriver, na ang mga EDCA site ay “direktang may kaugnayan” sa “pagpigil sa China.” Taliwas ito sa paulit-ulit na pagtanggi ng mga upisyal ng US at ng tutang mga upisyal nito sa AFP at estado ng Pilipinas.
Ayon kay Schriver, gagawin ang pagpopondo sa pamamagitan ng Foreign Military Sales para iwasan na direktang maimbwelto ng Taiwan sa mga imprastrukturang militar sa Pilipinas. Ibig sabihin, sa US magbabayad ang Taiwan at hindi sa Pilipinas. Gagamitin ng US ang pondo para magtayo ng mas maayos na mga paliparan at hangar para sa mga eroplanong pandigma na “magpapalakas sa kapasidad ng US malapit sa Taiwan.” Pamamahalaan ang proseso ng U.S. Defense Security Cooperation Agency, na magkokontrata naman ng isang pribadong kontraktor na Amerikano.
Sa ilalim ng kaayusang ito, ang mga EDCA site ay magiging mga “non-weaponry support service” ng Taiwan. “May lohika” umano sa Taiwan ang “pamumuhunan” na ito dahil “direktang may kaugnayan ang mga EDCA site sa kakayahan ng US na depensahan ang Taiwan.”