Balita

Planong demolisyon sa Taytay, Rizal, kinundena ng mga residente

,

Nagprotesta sa harap ng munisipyo ng Taytay, Rizal ang mga residente ng Sitio Sapang Gody at Sitio Siwang ng Barangay San Juan noong Nobyembre 26 upang manawagan ng dayalogo sa lokal na gubyerno at ikundena ang bantang demolisyon sa kanilang lugar. Pilit na kinakamkam ng Sta. Lucia Corporation at ni Kristina Robles ang kanilang kinatitirikan.

Sa halip na harapin ni Meyor Allan De Leon ang mga residente, nagtago siya at pinasara ang munisipyo. Nagdeploy pa ito ng dalawang mobil at mga pulis upang pagbantaan at takutin ang mga nagpoprotesta. Hindi rin pinayagang pumasok sa loob ng munisipyo ang mga residente na nais sanag makipagdayalogo sa meyor.

Ayon sa Kadamay-Rizal, isang malaking kabastusan sa mamamayan ng Taytay ang ginawan pagsasara ng pinto ng munisipyo at hayagang nitong pag bibingi-bingihan sa hinaing ng mamamayan.

Maliban sa banta ng demolisyon, kinakaharap din ng mga residente ang surbeylans at intimidasyon mula sa PNP Taytay. Ilang ulit nilang naobserbahan ang presensya ng mga intel sa kanilang lugar at paniniktik nito sa mga aktibidad ng organisasyon at paglahok ng mga residente sa mga kilos protesta.

Nanindigan ang mga residente na hindi sila titigil hangga’t nindi nila natatamasa ang dapat na ibinibigay na pampublikong serbisyo at karapatan sa pabahay.

AB: Planong demolisyon sa Taytay, Rizal, kinundena ng mga residente