Planong pagbabase ng mga tropang Australian sa Pilipinas, binatikos
Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan ang papalawak na pakikialam militar ng Australia sa mga usaping panseguridad ng Pilipinas. Nitong nakaraang mga buwan, sunud-sunod ang inilunsad ng Australia na mga war games, gamit ang malalaking bilang ng mga tropa. Kamakailan, naglunsad ito ng isa sa pinakamalaking war game malapit sa pinagtatalunang mga pormasyon sa South China Sea na lalong nagpainit sa sitwasyong militar sa lugar.
“Hindi lamang lumalahok ang Australia sa pinakamalaking pinagsanib na military exercise sa West Philippine Sea, nakikipagnegosasyon din ito para payagan itong magdeploy ng mga tropa at magtayo ng mga pasilidad militar sa teritoryo ng Pilipinas, kabilang ang mga sistema ng misayl,” ayon sa Bayan.
Tinutukoy nito ang Statement of Intent for Enhanced Defense Cooperation na pinirmahan ng ministro sa depensa ng Australia na si Richard Marles at ng kalihim ng depensa ng Pilipinas na si Gilbert Teodoro noong Agosto 22. Inilatag sa kasunduang ito ang layuning magkaroon ng “defense cooperation agreement” na pipirmahan sa 2026.
Bibigyan daan ng kasunduang ito ang permanenteng pagpwesto ng mga tropa ng Australia sa Pilipnas, paglulunsad ng malalaking war game at pamumuhunan sa “imprastructurang pandepensa” o mga base militar. Ang kasunduang ito ay magiging katulad sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at US, na yuyurak sa soberanya ng bansa at magtatali sa mga Pilipino sa mga armadong sigalot na pinapaypayan ng Australia at kaalyado nitong US.
Tulad sa US, bibigyan ng kasunduang ito ng walang sagkang akses ang mga dayuhang tropang Australian sa teritoryo at rekurso ng Pilipinas at ekstra-teritoryal na mga karapatan sa mga lokasyon kung saan pwede nitong ilagak ang mga armas, misayl at posibleng mga nukleyar na sandata.
“(A)ng pagpasok ng mga tropa at gamit pandigma ng Australia, dagdag sa dati nang malawak na presensyang militar ng US, ay lalong nagmimilitarisa sa sigalot sa West Philippine Sea at nagpapalaki sa risgo na magkaroon ng hayag na banggaan sa pagitan ng Pilipinas at China,” ayon sa Bayan. Hindi ito nagpapatatag ng soberanya ng Pilipinas, anito, at sa halip ay kumakaladkad sa Pilipinas sa ribalang heyopulitikal ng US at China, kung saan iindahin ng sambayanang Pilipino ang pinakamatitinding resulta ng gera at kawalang istabilidad.
Samantala, kinundena ng National Democratic Front (NDF)-Australia ang isinagawang ALON exercises ng Australia sa Pilipinas kung saan nagpadala ang Australia ng pinakamalaking bilang ng mga sundalo sa Southeast Asia mula nang nanghimasok ito sa East Timor noong 1999.
“Ipinamamalas ng Operation Alon 2025 ang parehong papel na ginampanan ng Australia sa East Timor: ang maging armadong tau-tauhan ng imperyalismong US,” pahayag ng NDF-Australia. Ang pagsasanay ng Australia sa malawakang kombat ay para protektahan ang hegemonya ng US sa South China Sea, anito.
Sa mga gera sa nakaraan, mula Korea at Vietnam hanggang Iraq at Afghanistan, lagi’t laging nagpapadadala ang reaksyunaryong estado ng Australia ng libu-libong tropa para pumatay at mamatay sa mga gera ng US.
“Hindi kailanman kumilos nang independente ang Australia sa mga panahon ng digma,” anito.