Prente laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon, inilunsad
Pormal na inilunsad noong Setyembre 28 ang International People’s Front (IPF), isang nagkakaisang prente laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon, sa Phuket, Thailand. Higit 40 delegado ang nagpulong sa loob ng higit isang linggo. Nilahukan ito ng marami pang iba sa pamamagitan ng internet. Nagmula ang mga delagado sa mga rehiyong North at Latin America, Europe, Africa, Middle East, Southeast Asia, East Asia at South Asia, at Asia Pacific.
Nagkaisa ang mga kalahok na organisasyon sa temang “Lumaban at magtatag ng isang internasyunal na nagkakaisang prente ng mamamayan ng daigdig laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon! Manawagan para sa isang International Peoples Front!”
Layunin ng IPF na pakilusin ang mga organisasyon at mga indibidwal para ikoordina, makipagtulungan at tumulong, at magkasamang labanan ang imperyalismo at lahat ng mga ahente nito. Ang IPF ay binuo ng iba’t ibang anti-imperyalistang organisasyong masa na nagkaisa sa ilalim ng International Coordination Network (ICN) simula pa maagang bahagi ng 2022.
Simula Mayo 2022 ay naglunsad ang ICN ng serye ng mga pagbisita at pag-ooragnisa sa mga bansang Belgium, France, Spain at the Netherlands. Ang mga kinatawan ng ICN ay nakipanayam, naglunsad ng mga talakayan at lumahok sa mga protestang anti-NATO kasama ang mga organisasyong masa sa naturang mga bansa.
Ayon sa nagkakaisang pahayag at deklarasayon nito, “Nag-aaklas ang mamamayan sa lahat ng kontinente. Aligaga ang mamamayan at sabik na mag-organisa at iparinig ang kanilang mga tinig. Lalong nagiging kagyat ngayon na magsama-sama ang mamamayan sa isang nagkakaisang prente na organisado sa internasyunal na antas…”
Ayon pa sa grupo, ang sinumang umaayon sa mga layunin ng IFP at pumirma sa pahayag at panawagan nito ay maaring maging kasapi ng nagkakaisang prente. Dagdag pa nito, kahit sinong kasapi ay maaaring lumahok sa mga aktibidad ng prente.
“Bagaman hinihikayat ang partisipasyon sa pagpaplano at mga aktibidad ng IPF, walang sapilitang partisipasyon sa mga asembleya at pagpupulong. Ang mga indibidwal, grupo, organisasyon, at iba pa ay maaaring lumahok lamang sa piling mga aksyon kung nanaisin at humiwalay at/o muling bumalik sa kahit kailan,” ayon sa paliwanag ng grupo kaugnay ng katangian nito.
Dagdag pa, walang istruktura ang pormasyon ang IPF pero pinangangasiwaan ng isang International Coordinating Body (ICB) na binubuo ng mga kinatawan ng mga internasyunal na organisasyong kumikilos sa isang “unstructured” na pamamaraan kabilang ang rotating o paglilipat-lipat na pangungulo sa bawat regular na pulong.
Sa kasalukuyan, bahagi ng IPF ang mga organisasyong Asia Pacific Research Network, Asian Peasants Coalition, Asian Rural Women’s Coalition, Indigenous Peoples Movement for Self Determination and Liberation, International League of Peoples Struggle, International Migrants Alliance, International Peoples Research Network, International Women’s Alliance, Peace for Life, People Over Profit, People’s Coalition on Food Sovereignty, People’s Resource for International Solidarity and Mass Mobilization, Resist US-Led War Network, at Workers International Struggles Initiatives.