Presyo ng 73 batayan at pangunahing mga bilihin, itinaas ng DTI

Epektibong itinaas ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng mga pangunahing bilihin matapos nitong pagtibayin noong Enero 27 ang mas mataas na bagong mga suggested retail price (SRP o mungkahi na tingiang presyo) ng 73 batayan at pangunahing mga bilihin. Inianunsyo ang pagtaas ng mga presyo dalawang linggo matapos ipagyabang ng rehimen na bumaba na ang tantos ng implasyon noong huling linggo ng 2021.
Kumpara sa huling listahan ng SRP na inilabas ng DTI noong Agosto 29, 2021, nakatakdang tumaas nang mula 1-5% ang presyo ng 20 bilihin, kabilang ang mga delatang sardinas (3 klase), nudels (4), sabong panlaba (4), nakaboteng tubig (3), delatang produktong karne (1), sabong panligo (2), at baterya (3). Nakatakdang namang tumaas nang mula 6-10% ang 43 bilihin, kabilang ang mga delatang sardinas (2 klase), delatang produktong karne (7), gatas (7), tinapay (2), asin (6), sabong panlaba (2), sabong panligo (4), kandila (8), at baterya (1). Samantala, tataas naman nang mahigit 10% ang presyo ng tig-isang klase ng sabong panlaba at nakaboteng tubig, at walong klase ng kandila.
Sa kabuuan, tataas ng ₱0.4-₱1.25 ang presyo ng iba’t ibang mga delatang sardinas; ₱1-2-₱2.25 ang mga produktong gatas; ₱3.5 ang isang balot ng tinapay at ₱2 ng pandesal; ₱0.25 ang nudels; ₱1.1-₱1.45 ang asin, at ₱0.65-₱1.6 ang iodized salt; ₱2-2.25 ang sabong panlaba; ₱1-₱4 ang nakaboteng tubig; ₱4-₱15 ang kandila; ₱1.25-₱1.5 ang meat loaf; ₱2-3 ang karne norte; ₱1.25-₱1.5 ang beef loaf; ₱1.25 ang sabong panligo; at ₱2.25-₱17.25 ang baterya.
Pangunahing iindahin ang dagdag presyo na ito ng mayorya ng mahigit 18.6 milyong pinakamahihirap na pamilyang Pilipino o 81.8 milyong katao na kakarampot lamang ang kinikita. Kabilang dito ang 12.2% ng mga pamilyang Pilipino o 2.9 milyong pamilya na kumikita lamang ng ₱11,000 pababa kada buwan; 35.4% o 8.4 milyon na kumikita ng ₱11,000-₱22,000, at 32.1% o 7.6 milyong pamilya na kumikita ng ₱22,000-₱44,000. Malaking bahagi nito o tinatayang ₱10,071 ay inilalaan sa pagbili ng mga pagkain at batayang pangangailangan. Kulang na kulang ang kinikita ng mga pamilyang ito para punan ang pinakabatayang mga pangangailangan ng isang lima-kataong pamilyang na tinatayang ₱31,710 kada buwan o ₱1,057 kada araw noong Disyembre 2021.
Sa walang patumanggang pagtaaas ng mga presyo ng ilang batayang pagkain, inaasahan na lalupang mahihirapan na makaagapay at magugutom ang pamilya salat na salat na ang kita para abutin ang sapat na nutrisyon. Ayon sa isang pag-aaral ng Foodlink Advocacy Cooperative, tinatayang kinakailangan ng isang pamilyang Pilipino na may limang myembro ng ₱14,368 kada buwan para sa sapat at masustansyang pagkain alinsunod sa Pinggang Pinoy. Ang Pinggang Pinoy ay isang gabay sa pagkain na itinakda ng Food and Nutrition Research Institute para matiyak na nakakukuha ng sapat na enerhiya at nutrisyon ang katawan ng mga mamamayan. Malayong malayo ito sa buwanang kita na naiuuwi ng kalakhan ng mga pamilyang Pilipino.