Pribatisasyon sa NAIA, ipinahihinto
Nagprotesta sa harap ng Supreme Court noong Setyembre 9 ang mga grupong Migrante Philippines, Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI Network), Bayan Muna Partylist, Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan (Sandigan), Gabriela Women’s Party at Manibela. Nanawagan ang mga grupo sa Supreme Court na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang mapigilan ang pribatisasyon ng NAIA.
Ngayon buwan, epektibo nang ipapatupad ang pagtaas ng singil sa mga serbisyo sa NAIA, tulad ng aeronautical charges sa bawat landing, take off, upa sa terminal, tacking operation, at bawat paglipad ng mga eroplano ng Philippine Airlines, Cebu Pacific, at Air Asia. Dahil dito, tataas din ang terminal fee mula ₱200 tungo sa ₱390 sa mga domestic flight, at ₱550 tungo sa ₱950 sa mga international flight.
Ayon sa Migrante, unang maaapektuhan ng pagtaas ng mga bayarin sa paliparan ang mahigit 8,000 na mga OFW na umaalis ng bansa kada araw para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
“Tumatama na sa bulsa ng mga pasahero ang pag-take-over ng San Miguel sa NAIA. Isa itong lantarang pagnanakaw na nagpapanggap bilang ‘modernisasyon.’ Sa halip na ayusin ang deka-dekada nang problema sa palpak na pangangasiwa ng paliparan, pinipiga nila ang mga byahero para sa kanilang kita. Dapat nagsisilbi ang NAIA para sa sambayanan, hindi para payamanin ang mga negosyante,” pahayag ni Louie Montemayor ng SUKI Network.
Sa pagtaas ng mga singil sa paliparan, napalaki pang lalo ng New NAIA Infrastracture Corporation (NNIC) ang kita nito. Dagdag pa ito sa bilyun-bilyong kinita ng NAIA noong nakaraang mga taon. Sa kabila nito, napakaliit o halos wala namang pagbabago sa paliparan, ayon sa grupo.
Nagpadala din ng bukas na liham sa Supreme Court, sa administrasyong Marcos at sa kongreso ang mga grupo upang ipanawagan ang pagkansela sa Concession Agreement sa pagitan ng gubyerno ng Pilipinas at NNIC ng San Miguel Corporation (SMC) ni Ramon Ang, itigil ang di makatwirang pagtaas ng mga bayarin sa paliparan, tiyakin ang pagiging bukas sa pagsusuri sa kita ng MIAA at bawiin ang NAIA para sa interes ng publiko.
Bago pa ang pagkilos, naglunsad ng petition signing ang St. John Neumann Migrant Center at Concerned Seafarers of the Philippines upang tutulan ang pribatisasyon ng NAIA noong Agosto.