Mga tsuper at opereytor mula Bacolod City, nagtungo sa pambansang upisina ng LTFRB
Muling nagpiket ang mga tsuper at opereytor na myembro ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela) sa pambansang upisina ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City noong Setyembre 9. Kasama sa pagkilos ang mga drayber at opereytor mula sa Bacolod City, Baguio City at iba’t ibang syudad ng Metro Manila.
Bitbit nila ang resolusyon na inilabas ng Sangguniang Panlungsod ng Bacolod City na nananawagan para sa suspensyon sa anti-mahirap at makadayuhang Public Utility Vehicles Modernization Program (ngayo’y Public Transport Modernization Program o PTMP).
Ang naturang resolusyon ay resulta ng tuluy-tuloy na pagkilos ng mga grupo ng tsuper at opereytor sa ilalim ng United Negros Transport Coalition. Bahagi nito ang Undoc-Piston, Kabacod Negros Transport Organization (Knetco), at BACOD-Manibela.
Hinikayat din ng resolusyon ang Department of Transportation at LTFRB na pahintulutan ang pagbabalik ng indibidwal na 5-taong prangkisa at pagrerehistro ng mga hindi pumaloob sa konsolidasyon.
Lubhang dismayado ang mga tsuper at opereytor sa inasal ng mga upisyal ng LTFRB nang inihatid nila ang resolusyon. “Sa halip na harapin, tinaguan ni Guadiz at ng board ng LTFRB ang mga militanteng tsuper, operator, at mamamayan na nagpiket,” pahayag ng Piston. Malaon nang nagbibingi-bingihan ang ahensya at rehimeng Marcos sa makatarungang panawagan ng mga grupo.
“Kung hindi tayo harapin sa loob ng kanilang upisina, harapin nila tayo sa kalsada! Ang panawagan ng Piston: MAGHANDA SA WELGA!”