Balita

Protesta sa araw ng huwad na araw ng kalayaan ng Pilipinas, inilunsad sa iba’t ibang panig ng mundo

,

Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan at Migrante, naglunsad ng mga protesta noong Hunyo 12 ang mga Pilipinong migrante at imigrante sa kanilang tinituluyang bansa upang ipahayag ang iba’t ibang isyu kinakaharap ng mga Pilipino at ilantad ang tunay na kalagayan ng bansa.

Sa US, libu-libong Pilipino ang lumahok sa Philippine Independence Day Parade sa New York City. Kabilang sa parada ang grupong BAYAN USA at Migrante USA na bitbit ang mga panawagan na hustisya para sa mga caregiver, gayundin sa Negros 19. Dala rin nil ang pagkundena sa korapsyon sa Pilipinas.

Nagprotesta din ang BAYAN USA Northeast sa labas ng konsulado ng Pilipinas sa New York City.

Sa San Diego, California, pinanawagan ng Tanggol Migrante Movement ang naturang araw ang pagpapalaya kay Kuya Richard sa Otay Mesa Detention Center. Si Kuya Richard ay isang Pilipinong migrante na walang batayang idinetine sa pasilidad dulot ng anti-migrante poliisiya ng rehimeng Trump.

Sa Australia, kasama ang mga komunidad ng mga Pilipino sa Melbourne, nagprotesta ang mga grupo sa harap ng konsulado ng Pilipinas bilang pagkundena sa pagpasok ng rehimen US-Marcos sa iskemang Pax Silica at ang nagpapatuloy ng digmaang agresyon at militarismo rehiyon ng Asia Pacific ng US. Nanawagan din ang Bayan Australia para sa pagpapanagot kay Sara Duterte at pagkundena sa pagpapabagal ng impeachment trial.

Sa Hong Kong, nagprotesta sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa Central District ang grupong United Filipinos- Migrante-HK. Anito, isang malaking kabalintunaan ang pagdiriwang sa ika-128 anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas habang nananatili itong nakapailalim sa kontrol ng imperyalismo ng US.

Nagpahayag naman ng pakikisa ang Migrante South Korea at Migrante Thailand.

AB: Protesta sa araw ng huwad na araw ng kalayaan ng Pilipinas, inilunsad sa iba’t ibang panig ng mundo