Balita

Pwersahang paniningil ng SSS sa mga OFW, napatigil

,

Ikinatuwa ng mga Migrante International ang desisyon ng Korte Suprema laban sa pwersahang paunang pagbabayad ng Social Security System (SSS) sa mga migranteng Pilipino bago sila makaalis ng bansa.

Sa isang desisyon nabuo noong Nobyembre 2024 pero isinapubliko nito lamang Marso, sinabi ng korte na ang sapilitang pagsingil ng SSS sa mga overseas Filipino worker (OFW) bilang rekisito para makuha nila ang kanilang overseas employment certificate (OEC) ay “labis na nakakapinsala, hindi makatuwiran, at salungat sa Konstitusyon.”

Ang pwersahang paniningil ay nagmula sa 2018 SSS Act, isang batas na nilagdaan ni Rodrigo Duterte, na nag-uutos sa lahat ng nagtatrabaho-sa-lupa (land-based) na OFW na magpalista at magbayad ng kontribusyon sa SSS bilang mga “self-employed” na myembro, magbayad ng bahagi nilang kontribusyon bilang “employer,” at magbayad nang maaga ng tatlong buwang halaga ng kontribusyon sa SSS bago sila bigyan ng kanilang OEC. Noong taon ding iyon, nagsampa ng kaso ang Migrante International at mga partido ng Bayan Muna, Gabriela, ACT-Teachers, at Kabataan para ipabasura ang batas, na sinabi nilang “di makatarungang pag-agaw ng ari-arian, nilalabag ang karapatan na maglakbay na garantisado sa ilalim ng Konstitusyon, at nakakapinsala.”

Sang-ayon dito, sinabi ng Korte Suprema, na “pinahihina” ng mga partikular na probisyon ng 2018 SSS Act ang “mandato ng Konstitusyon para protektahan ang mga karapatan ng mga overseas workers at itaguyod ang kanilang kapakanan.” Dahil rekisito ang OEC bago makalabas ng bansa, lubhang nalilimitahan nito ang kanilang karapatan na magtrabaho sa ibang bansa, ayon sa korte.

Tinawag ni Josie Pingkihan, deputy secretary general of Migrante International, ang desisyon bilang tagumpay ng “kolektibong aksyon” laban sa pangingikil ng estado. “Nilalabag ng SSS Act ni Duterte ang karapatan ng mga OFWs na magtrabaho, bumiyahe at pumili kung anong social security programs ang makikinabang sila,” aniya.

Gayunpaman, batid ng Migrante na hindi dito natatapos ang laban sa mga paniningil ng estado sa mga OFW. Patuloy na pwersahang naniningil ang gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ng kontribusyon sa SSS sa mas mataas pang tantos na 15% ngayong taon. Bukod pa sa iba pang bayaring pwersahan ring sinisingil sa mga OFW tulad ng Philhealth, Insurance, at OWWA Membership.

“Hindi namin titigilan ang laban sa pamumuwersa sa mga OFW na balikatin ang mataas na bayarin sa SSS na napupunta sa taas-sweldo at perks ng SSS board habang hindi naman tumataas ang ating mga pensyon. Anim na taon na ang lumipas, kulong na si Digong, pero nasaan ang kanyang pangakong ₱1,000 pension increase?” tanong Pingkihan.

“Sa mababang sahod na natatanggap ng mga OFWs, paano mabubuhay ang aming mga pamilya kung nilulunod tayo ng gubyerno sa pataas na mga bayarin kada buwan? Tuloy ang aming kampanya upang wakasan na ang mga sapilitang bayarin na sinisingil sa ating mga OFWs sa SSS, PhilHealth, at iba pang mga serbisyo. Kailangan natin ng serbisyong pampublikong hindi ginagawang negosyo ng mga katulad nila Duterte at Marcos Jr,” aniya.

AB: Pwersahang paniningil ng SSS sa mga OFW, napatigil