Balita

Rali sa Maynila ng KM para kay Ka Joma, idinaos

,

Naglunsad ng iglap protesta sa kahabaan ng Maynila ang mga miyembro ng rebolusyonaryong lihim na organisasyon ng mga kabataan na Kabataang Makabayan nitong Miyerkules ika-21 ng Disyembre ilang araw matapos mabalitaan ang pagpanaw ng tagapagtatag nito at tagapangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Jose Maria Sison.

Nagbigay sila ng pinakamataas na pagpupugay sa buhay na inialay ni Ka Joma sa rebolusyon hanggang sa huli nitong paglaban. Inihalintulad nila ang buhay niya bilang isang kislap na nagpaningas sa liyab ng militanteng pagkilos ng mga kabataan at sambayanan. Kinilala nila kung papaanog sinuri ni Ka Joma ang ang kondisyon ng Pilipinas gamit ang lente ng Marxismo upang ipagsilbi sa pagpupundar ng talibang magbabagsak sa mapagsamantalang sistema.

Nanawagan ang mga kabataan ng paglahok sa armadong pakikibaka at ibayong pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Binigyang pansin ng KM na hindi pa nagbabago ang panlipunang kalagayan simula pagsilang ni Ka Joma hanggang siya ay yumao kaya dapat lamang ipagpatuloy ang kanyang nasimulan. Ang pagkawala ng isang dakilang lider komunista ay hindi nangangahulugang titigil ang paglaban ng mamamayan.

Hanggat nananatiling hawak lamang ng maliit na porsyento ng populasyon ang konsentrasyon ng yaman na nilikha ng malawak na hanay ng masang anakpawis, hindi titigil ang kontra agos na pwersang pangungunahan ng alyansang manggagawa at magsasaka na magdadala sa pangkalahatan ng maaliwalas na bukas, anang KM.

Tinuring ng KM na inspirasyon si Ka Joma ng malawak na hanay ng mga kabataan na patuloy. Nagpanata silang isinasanib ang lakas, talino, at talento para paglingkuran ang higit na naghihirap na masang Pilipino. Ipinahayag nila ang determinasyong lumahok sa sama samang paglaban para kumawala sa mapang-aliping kaayusan.

Asahang higit na magiging mas madami at matatag ang susunod na henerasyon ng mga kabataang mapagpasyang makiisa sa pagtatagumpay ng kilusan ng mamamayang laban sa naghaahring uri, deklarasyon ng KM.

AB: Rali sa Maynila ng KM para kay Ka Joma, idinaos