21-gun salute, inilunsad ng mga yunit ng BHB bilang parangal kay Ka Joma
Isinagawa ng iba’t ibang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa buong bansa ang tahimik na 21-gun salute bilang pagpupugay at pamamaalam kay Kasamang Jose Maria Sison. Si Ka Joma ang tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at nanguna sa pagtatatag ng BHB. Inilunsad ito ng hukbong bayan sa nagdaang linggo sang-ayon sa atas ng Komite Sentral ng PKP noong Disyembre 17.
Sinalubong ng ilang yunit ng BHB ang pagbubukang-liwayway noong Disyembre 26 para parangalan si Ka Joma. Ang ibang yunit naman ay naglunsad ng pagsaludo sa sumunod na mga araw.
Sa paunang ulat at mga bidyo na ipinadala, nagpormasyon ang pitong-kataong yunit ng hukbo para mag-alay ng 21-gun salute kay Ka Joma sa Lanao, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Batangas at mga hindi tinukoy na prubinsya sa ilalim ng panrehiyong kumand ng BHB sa North Central Mindanao Region, Southern Tagalog, Central Luzon, Bicol, Negros Island, Panay at iba pa.
Liban dito, inilunsad ng mga yunit ng hukbong bayan ang iba pang aktibidad at pagtitipon para parangalan si Ka Joma at ipagdiwang ang ika-54 anibersaryo ng Partido. Nagkaroon ng espesyal na pagparangal sa kanya sa mga paggunita sa Batangas at Southern Panay.
Hindi bababa sa 200 katao ang dumalo sa dalawang magkahiwalay na aktibidad na inilunsad ng BHB sa Rinconada Area sa Camarines Sur. Pinangunahan ng yunit ng BHB ang programa na nilahukan ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka, kabataan, at kababaihan at mga kinatawan ng sangay ng Partido.
Inilunsad rin ang isang aktibidad sa isang baryo sa Iriga City. Ayon sa talumpati ni Ka Marc, “nakakaantig ng puso na malaman na si Ka Joma ay mula sa uring panginoong maylupa ngunit pinili niya parin na makibaka kasama ang mga uring pinagsasamantalahan para sa rebolusyon. At katulad niya, dapat ay tayo ring maging mas matatag sa ating pakikibaka.”
Samantala sinabi ni Ka Gene na mananatiling insipirasyon si Ka Joma dahil sa walang pag-iimbot niyang pag-aalay ng buhay para sa ikatatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan. Ayon pa sa kanya, “kahit matanda na, ay kikilos pa rin [ako] para ipagpatuloy ang rebolusyon.”
Deklarasyon naman ni Ka Sel: “pumanaw man ang ating founding chairman na si Ka Joma, nananatili ang kanyang muling sinimulan, ang kanyang mga turo, at ang kanyang legasiya sa rebolusyong Pilipino. Hinding-hindi ito maikukubli o mawawala ng kahit na sino mang kaaway o rebisyunista o lason sa rebolusyon.”
Inilunsad naman ang isa pang pagtitipon sa isang hindi tinukoy na bayan sa Camarines Sur. Pahayag ng isang Pulang mandirigma sa naturang aktibidad: “Ako ay nasisiyahan na naabutan ko si Ka Joma sa aking paglahok sa armadong pakikibaka, nasaksihan ang kanyang mga gawa at nagsilbing gabay sa pagkilos. Nagbibigay pugay ako para kay kasamang Joma sa kanyang pag-aalay ng buhay, talino at lakas sa rebolusyon.”