Ramon Ang, nagtala ng pinakamalaking dagdag-yaman noong 2022

,

Tumalon mula ika-10 pwesto tungong ikatlo sa listahan ng pinakamalaking bilyunaryo sa Pilipinas si Ramon Ang dahil sa pagtaas ng kanyang yaman nang 17% ($2.7 bilyon). Si Ang ang pinuno ng San Miguel Corporation, Petron Corp at iba pang kumpanya. Tumaas din ang yaman ni Lucio Tan nang 15% at ni Lance Gokongwei nang 30%.

Pinakamayaman pa rin sa lahat ng bilyunaryo sa Pilipinas si Manny Villar pagsapit ng katapusan ng 2022. Ito ay sa kabila ng bahagyang 2.6% na pagliit ng kanyang yaman tungong $7.3 bilyon. Bumababa din nang 4.5% ang nakaulat na yaman ni Enrique Razon Jr, pangalawa sa listahan ng pinakamayaman sa bansa.

Nagtala rin ng katulad na pagliit ng kanilang kayamanan ang iba pang bilyunaryo sa Pilipinas. Kasama dito si Henry Sy Jr (bumaba nang 24%), Andrew Tan (3.7%), Hans Sy (7.7%), Herbert Sy (7.7%), Harley Sy (8.3%), Tessie Sy-Coson (4.3%), Elizabeth Sy (5%) at Tony Tan Caktiong (52%).

Lahat sila’y bahagi ng talaang Real Time Billionaire List ng Forbes.com at kabilang sa mahigit lamang sa 2,700 bilyunaryo (sa halagang dolyar) sa buong mundo na nagmamay-ari sa mahigit 60% ng pandaigdigang yaman.

Nalaglag sa listahan ng mga bilyunaryo sina Richard Po, Iñigo Zobel at Roberto Ongpin dahil sa bumaba ang halaga ng kanilang mga ari-arian sa $1 bilyon.

Kalakhan sa kanila ay maituturing na kroni ng mga nasa poder. Si Villar ay tahasang myembro ng dinastiyang pulitikal na mayroong apat na myembrong nakaupo ngayon sa gubyerno.

Ayon sa Ibon Foundation, kung bubuwisan lamang sila at iba pang bilyunaryong Pilipino, maaaring makalikom ang gubyerno nang hanggang ₱469 bilyon sa isang taon. Mas mataas ito kumpara sa ₱193.7 bilyong nalikom mula sa ipinataw na buwis sa mga produktong petrolyo na binalikat pangunahin ng mahihirap.

Ayon sa grupo, lagpas-lagpas ang malilikom nito sa kailangang pondo para pasikarin ang lokal na produksyon at bigyan ng sustantibong subsidyo ang naghihikahos na sektor sa bansa.

Listahan noong Enero 2, 2023

Manuel Villar $7.4 bilyon (real estate)

Enrique Razon $6.3 bilyon (ports)

Ramon Ang $2.7 bilyon (diversified)

Andrew Tan $2.6 bilyon (diversified)

Henry Sy Jr $2.5 bilyon (diversified)

Hans Sy $2.4 bilyon (diversified)

Herbert Sy $2.4 bilyon (diversified)

Lucio Tan $2.3 bilyon (diversified)

Harley Sy $2.2 bilyon (diversified)

Teresita Sy-Cosin $2.2 bilyon (diversified)

Elizabeth Sy $1.9 bilyon (diversified)

Lance Gokongwei $1.3 bilyon (diversified)

Tony Tan Caktiong $1.2 bilyon (food)

AB: Ramon Ang, nagtala ng pinakamalaking dagdag-yaman noong 2022