Balita

Red-tagging at pandudumog sa konseho ng mag-aaral sa MSU, kinundena

,

Lubos na kinundena ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang panggigipit at red-tagging sa konseho ng mag-aaral ng Mindanao State University (MSU-Main Campus Supreme Student Government) matapos magpaskil itong pahayag tungkol sa pag-aalala sa Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 24. Kalakip ng paiksing pahayag kung saan inengganyo nito ang mga mag-aaral na gunitain ang pag-aalsa, nagpaskil ito ng graphic na nagpapakita ng mga mukha ng mga Marcos (Imelda, Ferdinand Sr at Ferdinand Jr) at mga Duterte (Rodrigo at Sara) na may nakalagay na “Never Forget.”

Dinumog ng mga maka-Duterteng tagasuporta ang post kung saan walang basehang binansagan ang konseho na “NPA,” “kakampink,” “bobo” at iba pa at inakusahang “namumulitika.” May nang-engganyo ring panatilihin ang paggunita sa “kasaysayan” at huwag nang iugnay sa kasalukuyang mga pangyayari sa bansa. May mga naggiit ring “walang kinalaman sa martial law” ang mga Duterte, sa kabila nang nakiapid ito sa pamilyang Marcos noong 2022 para ipanalo bilang bise presidente si Sara Duterte.

Binigyang-diin ng NUSP na magkakaugnay na pamana ng parehong pamilya. “Huwag nating kalimutan na sa mga nakaraang taon, mabilis na nagkasundo ang mga Marcos at Duterte para isulong ang sarili nilang interes.”

Parehong sangkot ang dalawang pamilya sa malawakang korapsyon, pandarambong at malawakang paglabag sa karapatang-tao, ayon sa unyon ng mga konseho. “Ang pagtanggi sa mga katotohanang ito ay “ahistorical” o hindi nakakonteksto sa kasaysayan…,” anito. Ang pamimilit sa konseho na maging “nyutral” ay “magsisilbi lamang sa mga mang-aapi.”

“Bilang pinakamataas na kinatawan ng mga estudyante, may mandato ang mga konseho ng mag-aaral na pagkaisahan at pakilusin ang kapwa estudyante sa mga isyu sa loob at labas ng unibersidad.” Hinikayat ng NUSP ang marami pang mga konseho na tularan ang katapangang ng MSU at pabulaanan ang sinasabing “na-brainwash” lamang ang kabataang aktibista.

“Ang kabataan ay hindi brainwashed. Hindi kami terorista. Kung tutuusin, ito ang aming tungkulin bilang kabataan, bilang pag-asa ng bayan,” iginiit ng NUSP.

AB: Red-tagging at pandudumog sa konseho ng mag-aaral sa MSU, kinundena