Red-tagging at panggigipit sa mga maralita sa Caloocan, binatikos

,

Kinundena ng grupo ng maralita na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang pagpapatipon at pang-reredtag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga maralitang lunsod na kasapi ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) at Koalisyon ng Maralita (KnM) sa Caloocan City noong Abril 22.

Pinalalabas ng DSWD na ang 300 myembro ng naturang mga organisasyon na binigyan nila ng mga ayudang food pack ay mga “dating grupong sumusuporta sa CPP-NPA-NDF.”

Giit ng Kadamay, “hindi kasama sa mandato ng [DSWD] ang paggamit ng pondo ng bayan upang takutin ang mga residente ng maralitang komunidad at maging kasangkapan sa patuloy na atake sa demokratikong karapatan ng maralita para mag-organisa.”

Paliwanag ng grupo, ang pagsali sa mga lehitimong samahan at sa mga pakikibaka nito para sa kabuhayan at katiyakan sa paninirahan ay kanilang karapatan at itinataguyod mismo ng Konstitusyon ng Pilipinas. Walang masama at walang krimen dito.

Ang pagdadawit sa mga sibilyan sa armadong rebolusyonaryong kilusan ay malubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Nilalabag nito ang Ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.”

Dagdag ng Kadamay, mali at masama ang ginagawa ng DSWD na pamimili ng mga makikinabang sa serbisyo nito. Nagaganap umano ang anomalyang ito sa kabila ng patong-patong na burukrasya’t paghingi ng sandamakmak na requirements ang hinihingi ng ahensya sa harap ng kabi-kabilang sakuna tulad ng baha, bagyo, o sunog, at lalo na sa gitna ng papalalang krisis ng kahirapan at kagutuman, ayon sa Kadamay.

Maraming kaso na ng pagpapatipon at malisyosyong pagdadawit sa mga sibilyan sa armadong rebolusyonaryong kilusan at sapilitang pagpapasuko sa kanila ang naitala sa nagdaang mga taon, pareho sa kalunsuran at kanayunan.

AB: Red-tagging at panggigipit sa mga maralita sa Caloocan, binatikos