Balita

Rehabilitasyon ng mga eskwelahan sa Cordillera, panawagan ng mga guro

Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Cordillera hinggil sa matinding pagkasira ng mga eskwelahan sa rehiyon dulot ng bagyong Uwan.

Ayon sa grupo, dapat maglaan ang administrasyon at ang Government Service Insurance System (GSIS) ng P20,000 bilang agarang tulong sa mga guro, istap at mga retirado. Nananawagan din ito ng rehabilitasyon ng nasirang mga gusali ng eskwelahan, para sa kaligtasan at kagalingan ng mga guro at mga estudyante.

Ayon sa datos ng Department of Education- Cordillera, umabot sa 200 na silid-aralan ang nasira dulot ng bagy. Ang 16 dito ay lubusang nasira, 45 ang may mayor na sira at 123 ang bahagyang nasira. Dagdag dito, maraming eskwelahan ang binaha, natanggalan ng bubong at nawalan ng mga gamit sa pag-aaral.

Sa Kalinga, 12 eskwelahan ang naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa. Nasira din pati ang kanilang pasiidad para sa kalinisan, upuan at kompyuter. Karamihan sa mga paaralan dito ay kasalukuang ginagamit para sa mga pamilyang nagbakwit.

Nananawagan ang grupo ng agarang pinansyal na ayuda at kumpensasyon para sa mga naapektuhang guro at istap. Anito, kailangan ng pangmatagalang plano para sa mga imprastruktura, upang matiyak na matatag ang mga paaralan sa gitna ng mga sakuna at kalamidad.

Kailangan ding panagutin ang mga korap na upisyal na direktang may kinalaman sa mahihinang istraktura at palpak na proyekto para sa baha na nagresulta sa matinding pagkasira at pagkasawi ng 19 indibidwal sa Cordillera, ayon sa ACT.

AB: Rehabilitasyon ng mga eskwelahan sa Cordillera, panawagan ng mga guro