Balita

Reklamo ng impeachment laban kay Marcos, inihain ng mga progresibong grupo

,

Naghain ng reklamong impeachment laban kay Pres. Ferdinand Marcos Jr ang mga progresibong grupo at sektoral na organisasyon noong Enero 22. Ito ang ikalawang reklamong impeachment laban kay Marcos na isinumite sa Office of the Secretary General (OSG) sa House of Representatives.

Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang paghahain ng reklamo ng 36 na lider-masa laban kay Marcos Jr. Kabilang sa kanila ang mga lider-kabataan na naging malakas na tinig ng kilusang kontra korapsyon mula Setyembre 2025. Inendorso ang reklamo ng tatlong kongresista ng Makabayan Bloc na sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Co.

Ang batayan ng reklamo ay ang pagtataksil sa tiwala ng bayan (betrayal of public trust). Tatlo ang inilatag na rason para rito: 1) pagiging mastermind sa sistematikong korapsyon sa loob ng gobyerno (sa formula ng “allocables” o Baselined-Balanced-Managed (BBM) Parametric Formula, 2) pang-aabuso sa unprogrammed funds, at 3) direktang pagkakasangkot sa kaliwa’t kanang insertion at sistema ng kikbak.

Dismayado ang kampo ng mga naghain ng reklamo nang tumanggi ang OSG na upisyal na tanggapin ito dahil wala sa upisina si House Secretary General Cheloy Garafil. Ayon kay dating Bayan Muna Rep. Atty Neri Colmenares, isa rin sa mga nagsampa ng reklamo, hindi kinakailangang naroon si Garafil para tanggapin ang reklamo dahil ang nakasaad lamang sa alituntunin ng House of Representatives ay isumite ito sa OSG.

Aniya, sinunod ng kanilang kampo ang mga alituntunin at ang OSG ang bumali dito sa pagtangging tanggapin ang reklamo. Nag-iwan na lamang sila ng kopya ng reklamo sa upisina at iginiit na “naisumite” na ito.

Iginigiit ng mga grupo na dapat kilalanin ng House of Representatives ang pagsusumite nila laluna at mayroong naunang reklamong impeachment na isinampa kay Marcos Jr noong Enero 19. Isinumite ito ng abugadong si Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay. Ginamit ring batayan rito ang pagtataksil sa twala ng bayan.

Ayon sa Bayan, nangangamba silang hindi maisali ang kanilang matibay na reklamo sa “order of business” ni House Speaker Faustino Dy III sa darating na Lunes, Enero 26. Naisumite na kasi ng OSG ang unang reklamo sa upisina ng House Speaker at maaari niya na itong isangguni sa House Committee on Justice para simulang talakayin doon. Kung magkagayon, kaagad na mag-uumipsa ang isang taon na ban o pagbabawal na muling magsumite ng reklamong impeachment kay Marcos Jr.

Bilang paraan ng pagtitiyak na maihahabol ang reklamo, pupuntahan nila at ng mga kongresista ng Makabayan Bloc si House Speaker Dy para kausapin at hingin ang komitment kaugnay nito. Nagbabala rin ang mga grupo na kung tahasang haharangin at pipigilan ang kanilang reklamo ay mistulang nauulit ang taktika noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo kung saan nagsusimite ng “mahihinang” reklamo ng impeachment para lamang agarang magkabisa ang isang taon na pagbabawal.

Kasabay ng pagsasampa ng reklamo, naglunsad ng protesta sa labas ng House of Representatives ang mga progresibong organisasyon. “Kinasuhan ang ilang upisyal, mga mambabatas, at kontraktor na sangkot sa korapsyon; pero hindi pwedeng magnakaw ng bilyun-bilyong piso na hindi alam ng pangulo,” pahayag ni Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Aniya, si Marcos mismo ang pumirma at nagpatupad ng badyet at ang pasimuno ng pagnanakaw at pandarambong. “Si Sara Duterte pinapanagot natin para sa 125 milyong pisong maanomalyang paggamit ng confidential funds; hindi pwedeng palusutin ang bilyong pisong pagnanakaw ni Marcos,” dagdag ni Palatino.

Panawagan ng mga grupo sa protesta: “Marcos, Duterte, parehong korap, dapat ma-impeach!”

AB: Reklamo ng impeachment laban kay Marcos, inihain ng mga progresibong grupo