Balita

Reklamo para ibasura ang lahat ng sosyohan sa Prime Water, inihapag sa Malakanyang

Nagsumite ng isang reklamo ang mga konsyumer ng PrimeWater Infrastructure Corp. at Bayan Muna Party-list sa Malacanang noong Mayo 8. Layunin nitong itulak si Ferdinand Marcos Jr na ibasura ang lahat ng joint venture agreement (JVA) o sosyohan ng mga lokal na water district sa bansa sa PrimeWater ng mga Villar dahil sa patung-patong na mga kapalpakan at ligal na anomalya nito.

Dinala ng mga konsyumer, mga dating empleyado ng water district at ni Ferdinand Gaite, ikatlong nominado ng Bayan Muna, ang sulat sa Malakanyang. Mayroong tatlong panawagan na inilatag ang mga grupo sa sulat.

Una, giit nilang maglabas ng executive order para simulan ang proseso ng pagkansela ng lahat ng JVA sa PrimeWater. Ikalawa, idirehe na muling mapunta sa Local Water Utilities Administration (LWUA) ang pamumuno at pagtitiyak ng serbisyo sa tubig. At ikatlo, magsagawa ng imbestigasyon sa proseso ng pag-apruba ng mga JVA na ito at isama ang pagsiwalat kung ang corporate income tax ng PrimeWater ay pinapasa sa mga konsyumer.

Liban dito, nanawagan din silang tigilan na ng gubyerno ang pagpasok sa mga kontrata at kasunduan sa pribadong sektor na disbentahe sa mamamayan. “Agad na magpadaloy ng kalidad at abot-kayang tubig sa lahat! Dapat bayan muna, hindi tubo, hindi negosyo!” pahayag ng grupo.

Bago nito, nagsagawa ng protesta ang mga partido at grupo sa pangunguna ng Water for the People Network (WPN) noong Mayo 6 sa upisina ng PrimeWater sa Mandaluyong City. Binatikos nila ang garapal na pagnenegosyo ng pamilya Villar sa serbisyong tubig.

Nagdala rin ang mga konsyumer ng isang simbolikong “disconnection notice” na magwawakas sa JVA ng PrimeWater sa lokal na gubyerno ng San Jose Del Monte, Bulacan. Pitong taon nang nakapailalim sa JVA ang serbisyo sa tubig sa syudad at kamakailan lamang ay naglabas ng resolusyon ang lokal na mga upisyal ng pagbasura dito dahil sa bulok na serbisyo.

Ayon kay Gaite, hindi lamang ito usapin sa San Jose del Monte. “Mula Bacolod hanggang Dasmariñas, Bukidnon hanggang Lucena, nakikita natin ang pare-parehong problema—pangit na serbisyo, mataas na singil, at walang pananagutan,” aniya.

Pagdidiin pa ng dating mambabatas, dumaranasa ang Pilipinas ng “Villarization” ng serbisyong tubig. “Ito ang masakit na resulta sa panahong ang tubig, isang batayang karapatang-tao, ay itinuturing bilang isang negosyo,” aniya.

Habang lalong nagiging bulok ang serbisyo sa tubig at tumataas ang singil, lalo namang lumalaki ang kita ng PrimeWater. Noong 2023, lumaki ang kita ng kumpanya tungong ₱1.18 bilyon mula sa ₱196 milyon noong 2017. Hawak ngayon ng PrimeWater ang serbisyo sa tubig hindi bababa sa 160 munisipyo at distrito sa bansa.

Matapos ang protesta, naghain ng resolusyon sa House of Representatives ang mga kinatawan ng Koalisyong Makabayan para imbestigahan ang JVA ng PrimeWater sa San Jose del Monte, Bulacan at iba pang lokal na water district. Isinampa ang resolusyon nina Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Partylist, Rep. France Castro ng ACT Teachers Partylist, at Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Partylist.

AB: Reklamo para ibasura ang lahat ng sosyohan sa Prime Water, inihapag sa Malakanyang