Resolbahin ang usapin ng pandaraya ng eleksyong 2022, imbes na chacha

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta sa harap ng Commission on Elections (Comelec) noong Pebrero 19 ang mga myembro ng Bayan, Kontra-Daya, TNTrio at mga pambansa-demokratikong organisasyon para igiit sa ahensya na harapin at resolbahin ang mga usapin ng pandaraya sa eleksyong 2022. Anila, ito ang dapat atupagin ng Comelec, imbes na ang huwad na people’s initiative.

Hinamon ng Bayan ang ahensya na mapagpasyang itakwil ang pekeng people’s iniative sa pamamagitan ng pagbabalik o pagbabasura sa mga lagdang naisumite at tinanggap na nito. “Ang mga lagdang ito ay nalikom sa kwestyunableng mga paraan at gamit ang rekurso ng gubyerno,” anito.

Nagbabala ang Bayan na ang agresibong pagtutulak sa people’s initiative ay maaaring humantong sa senaryong “no-el” (no elections). Sa halip, palalawigin na lamang ang mga termino ng nakaupong mga upisyal. “Magiging kasabwat ang Comelec sa malisyosong mga maniobra ng mga pulitiko kung patuloy itong mag-uurong-sulong sa pagbeberipika ng mga pekeng lagda para sa PI (people’s initiative,” dagdag ng grupo.

Ayon sa Kontra-Daya, hindi nito kinakalimutan ang mga pandaraya at hindi nito palalampasin ang mga tangkang dayain ang susunod na eleksyon. Ito umano ang dapat asikasuhin ng Comelec, imbes na ang huwad na people’s initiative at mga pirmang isinumite para sa chacha o charter change.

Ayon sa grupo, dapat din nitong mapagpasyang harapin ang mga usapin, partikular ang mga inihapag ng grupong TNTrio, kaugnay sa elektronikong pandaraya sa eleksyong 2022 na nagpwesto kay Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte sa poder. Partikular na tinukoy ng TNTrio ang pagkakaroon ng isang IP address na pinanggalingan ng maraming electoral return.

Sa ngayon, dalawang petisyon na ang inihain ng grupo para buksan at usisain ang mga ballot box at mga electoral returns na natukoy na dumaan sa iisang makina, taliwas sa prosesong inilatag ng Comelec bago ang eleksyon. Hindi pa ito inaaksyunan ng Comelec.

AB: Resolbahin ang usapin ng pandaraya ng eleksyong 2022, imbes na chacha