News

Rolbak sa presyo ng langis sa Abril, halos nabura sa 2 magkasunod na taas-presyo

Sa harap ng napipintong muling pagtaas ng presyo ng langis bukas, Abril 29, halos mabubura na ang ipinatupad na “pinakamalaking rolbak” sa mga presyo ngayong taon.

Nakatakdang ipatupad bukas ang dagdag na ₱1.35 sa kada litro ng gasolina, ₱0.80 sa diesel, at ₱0.70 sa kerosene. Papatong ito sa ipinatupad na malaking dagdag presyo noong Abril 22: ₱1.35 kada litro sa gasolina, ₱1.30 sa diesel, at ₱1.10 sa kerosin.

Halos napawalang-saysay nito ang naging pagbawas sa presyo ang mga kumpanya ng langis noong Abril 15 ng ₱3.60/litro sa gasolina, ₱2.90 sa diesel, at ₱3.30 sa kerosene. Napakaisi ng panahong napakinabangan ito ng mamamayan, kahit pa nagdulot ito ng ginhawa sa panahon ng Semana Santa.

Pero kung ikukumpara sa presyo noong Enero, nananatiling pataas ang padron ng presyo ng langis, kahit ilang beses na ipinatupad ang rolbak. Sa ngayon, nagrehistro ng netong pagtaas na ₱3.60/litro ang gasolina at ₱3.65/litro ang diesel. Tanging ang kerosin ang nagrehistro ng netong pagbaba na ₱1.10/litro.

Ang mabilis at lingguhang pagbabago-bago ng presyo ay dulot ng ispekulasyon ng malalaking kumpanyang pinansyal na kumukontrol sa pandaigdigang pamilihan ng langis, gayundin ng malalaking kumpanya sa langis na bumubuo sa OPEC na kumukontrol naman sa produksyon.

Upang mabigyan ng mas sustantibong alwan ang mamamayan, panawagan ng mga progresibong grupo ang pagtatanggal ng buwis sa langis, na lalupang nagpapataas sa presyo, at pagbabasura ng Oil Deregulation Law na nagpapaubaya sa mga lokal na kumpanya ng langis na kara-karakang magtaas ng presyo.

AB: Rolbak sa presyo ng langis sa Abril, halos nabura sa 2 magkasunod na taas-presyo