Sa ika-11 anibersaryo ng Superbagyong Yolanda, wala pa ring hustisya para sa mga nasawi at nasalanta
Nagmartsa patungong Mendiola ang mga progresibong grupo at mga nakaligtas sa kalamidad sa pangunguna ng People Surge National Alliance of Disaster Survivors para gunitain ang ika-11 anibersaryo ng Superbagyong Yolanda noong Nobyembre 8. Napapanahon ang paggunita sa harap ng magkakasunod na bagyong dumaan at nanalanta sa Pilipinas sa nagdaang buwan.
Nanawagan ang grupo ng hustisya para sa mga nasawi at nasalanta ng Yolanda noong Nobyembre 2013 sa ilalim ng rehimeng Aquino II. Ang Yolanda ay itinuring na isa sa pinakamalalakas na bagyong tumama sa Pilipinas. Hindi bababa sa 6,300 ang mga namatay at 1,062 ang nawala dahil sa lakas ng buhos ng ulan, hangin at biglang paglaki ng daluyong at baha.
Sa Tacloban City, nagsama-sama ang mga mamamahayag na kasapi ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)-Leyte at iba pang mga grupo ng kabataan para gunitain ang alaala ng mga nasawi na mga mamamahayag at mamamayan dahil sa Yolanda.
“Dumaan ang isang dekada at mga pagpapalit ng mga administrasyon, hindi pa rin pinaghandaan ang mga sakuna dulot ng klima,” ayon sa People Surge. Ang grupo ay makasaysayang itinatag noon sa Eastern Visayas kung saan pinakananalasa ang Yolanda. Pinangunahan nito ang pagbangon, paglaban at paniningil ng pananagutan sa mga nagdaang administrasyon.
Ayon sa People Surge, matapos ang Yolanda ay tila hindi natuto ang gubyerno at mas pinalala pa ang mga naturang sakuna dahil sa pag-apruba ng mga mapanirang proyekto sa kalikasan tulad ng pagkakalbo ng mga kabundukan, malakihang pagkukwari at pagmimina, at mga reklamasyon.
Sa nagdaang ilang linggo lamang, apat na bagyo ang tumama sa Pilipinas. Nanalasa ang bagyong Kristine, Leon, Marce at Nika sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa epekto pa lamang ng bagyong Kristine at Leon, naitala ang 158 bilang ng mga namatay, 21 nawawala, at ₱7 bilyong kabuuang halagang pinsala sa agrikultura.
“Hindi na nakabangon ang ating mga kababayan dulot ng kapabayaan ni Marcos Jr,” ayon sa People Surge. Nanawagan sila ng agarang kumpensasyon at ayuda para sa mga nakaligtas, pagpapanagot sa kriminal na kapabayaan, at pagtigil sa mga mapanirang proyekto sa kalikasan.