Balita

Sahod sa Bicol, mas mababa pa rin sa pambansang abereyds sa kabila ng dagdag na ₱40

,

Sobrang liit ng dagdag-sahod na ibinigay kamakailan ng regional wage board sa mga manggagawa sa Region 5 (Bicol). Inianunsyo ng ahensya noong Marso 25 ang pagdaragdag ng ₱40 sa arawang sahod sa rehiyon, na magtataas sa sahod ng 100,414 manggagawang tumatanggap ng minimum na ₱395 tungong ₱435/araw. Malayo ito sa nakabubuhay na sahod na itinakda sa ₱1194/kada arw para sa Pebrero.

Kahit sa dagdag na ₱40, mas mababa pa rin ang sahod sa rehiyon kumpara sa pambansang abereyds na ₱469 at laluna sa pambansang abereyds ng nakabubuhay na sahod na ₱1,227. Ang malala, sa akwtal ay ₱20 lamang ang matatamasa ng mga manggagawa sa kalakhan ng taon. Ito ay dahil ipatutupad ang wage order sa dalawang tranche o bigayan, ang unang ₱20 sa Abril 10, at ang pangalawang ₱20 ay sa Disyembre 3 pa nila makukuha. Hindi nagtaas ng sahod sa Bicol noong nakaraang taon.

Noong 2024, pumalo sa 3.5% ang implasyon sa rehiyon, mas mataas sa 3.2% na pambansang abereyds. Bahagyang bumaba tungong 3.2% ang implasyon dito noong Pebrero, pero tulad sa maraming bahagi ng bansa, nanatiling mataas ang presyo ng mga batayang bilihin.

Noong Pebrero, nanatili sa ₱44/kilo pataas ang presyo ng bigas, taliwas sa mga pangako ng rehimen na ibaba ito hanggang ₱25/kilo. Sa Bicol, pumapalo nang hanggang ₱62/kilo ang nabibiling bigas. Nanatili ring mataas ang presyo ng karne ng baboy, isda at karamihan ng mga gulay.

AB: Sahod sa Bicol, mas mababa pa rin sa pambansang abereyds sa kabila ng dagdag na ₱40