Sama-samang pangingisda kontra 'fishing ban' ng China sa West PH Sea, maayos na naidaos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Maayos na naidaos ang kolektibong pangingisda na inilunsad ng Panatag Fisherfolks Association at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa karagatang malapit sa Masinloc, Zambales noong Mayo 30 hanggang Mayo 31 bilang pagbigo sa ipinataw na “fishing ban” o pagbabawal na mangisda ng China. Ipinataw nito ang pagbabawal, mula Mayo hanggang Setyembre 16, sa mga erya ng South China Sea “hilaga ng 12 degrees North latitude” kung saan bahagi ang Panatag Shoal (Scarborough), na 124-nautical miles mula sa Zambales.

Liban sa mga mangingisda, sumama rin sa paglalayag ang mga lider ng Bagong Alyansang Makabayan, Pilipinong Nagkakaisa Para sa Soberanya (P1NAS), League of Filipino Students (LFS), at Alliance of Concerned Teachers. Sumama rin ang mga kinatawan ng Makabayan bloc na sina Kabataan Rep. Raoul Manuel at ACT Teachers Rep. France Castro.

Ayon sa Pamalakaya, liban sa pagsuway sa “fishing ban” ng China, ipinanawagan din ng ekspedisyon ang “ganap na demilitarisasyon” ng West Philippine Sea. Pinatutungkulan ng grupo ang pagtatayo ng China ng mga isla at ang agresyong militar ng imperyalistang US sa tabing ng mga operasyong “freedom of navigation” sa karagatan.

Ayon kay Joey Marabe, koordineytor ng Pamalakaya sa Zambales, kamakailan lamang ay malubhang naapektuhan ang yamang-dagat sa isinagawang pambobomba ng US sa karagatan ng Zambales sa isinagawa nitong Balikatan war games. “Ramdam ito ng mga mangingisda sa ilang bayan ng lalawigan na simula nang matapos ang Balikatan noong Mayo, bumaba ang nahuhuling isda at kita sa bawat pagpalaot,” aniya.

Ayon naman kay Jojo Ecijan, pangulo ng Panatag Fisherfolk Association, “hindi lamang China ang kailangang papanagutin sa patuloy na okupasyon, kundi maging ang karibal nitong US na kaparehong nagdudulot ng perwisyo sa aming kabuhayan at paglabag sa ating kasarinlan.”

Tinatayang 5,000 mangingisda ang apektado ng pagtatagisang militar ng China at US sa West Philippine Sea.

“Ang gusto sana namin na mabigyan ng prayoridad ang lokal at maliliit na mangingisda sa West Philippine Sea. Sana mabigyan ng magandang pamalakaya dito para sa maliliit na mangingisda,” ayon sa mangingisdang si Tatay Gerry.

AB: Sama-samang pangingisda kontra 'fishing ban' ng China sa West PH Sea, maayos na naidaos