Balita

Sara Duterte, gustong brasuhin ang DoJ kontra ICC

,

Nagsumite ng sulat si Bise Presidente Sara Duterte sa Department of Justice para ipahayag ang sinasabi niyang “balido” na mga argumento laban sa pakikipagtulungan ng ahensya at bansa sa International Criminal Court (ICC). Kinumpirma ito ng DoJ mismo noong Disyembre 1.

Ayon sa tagapagsalita ng DoJ na si Mico Clavano, namumutiktik ang sulat ng “ligal na mga diskusyon at argumento” kung bakit hindi dapat pahintulutan ang pagpasok ng ICC sa bansa. Gustong kontrahin ni Duterte ang imbestigasyon ng ICC sa dating administrasyon ng amang si Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong gera kontra-droga nito na pumatay sa tinatayang 30,000 at iba pang mga krimen sa sangkatauhan.

Aligagang nagtatanggol at kumikilos ngayon ang nakababatang Duterte para ipagtanggol ang kanyang ama matapos ang pag-apruba noong Nobyembre 29 ng mga komite sa hustisya at sa karapatang-tao ng Kongreso sa resolusyon na nagtutulak sa gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.

Pinagsanib sa isang resolusyon ang borador na inihapag ng grupong Makabayan noong Oktubre 17 at ni Rep. Edcel Lagman noong Nobyembre 21. Nagharap sa pagdinig si dating Rep. Neri Colmenares, nagsisilbing abugado ng mga pamilyang nagsampa ng kaso sa ICC, at Menardo Guevarra, kasalukuyang solicitor general at kalihim sa hustisya ng dating rehimeng Duterte.

Noong Hulyo, naibalita na kabilang sa mga napangalanan sa kaso si Sara Duterte, sina Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go (binanggit ng 70 beses), at si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa (binanggit ng 90 beses) sa mga dokumentong isinumite sa ICC kaugnay ng naturang imbestigasyon. Dahil dito, posibleng maipatawag ang tatlo para humarap sa mga huwes ng ICC.

Nakasaad sa naturang mga dokumento na “may kaalaman” at “nag-apruba” ang nakababatang Duterte sa mga pagpaslang nang siya ay meyor ng Davao City mula 2010 hanggang 2013, at mula 2016 hanggang 2022. Naging kahalili siya ng kanyang ama sa poder at itinuloy niya ang mga patakaran nito sa syudad.

Ani Clavanno, “isasaalang-alang” ng DOJ ang mga isinumite ni Duterte kaugnay ng pag-aaral sa ICC at sa posibleng muling pagsali dito ng Pilipinas.

Nauna nang nagsabi si Marcos Jr na “pinag-aaralan” ng kanyang gubyerno ang posibilidad ng muling pagbabalik ng bansa sa ICC. Pero kasabay nito, itinatanggi niyang sasaklawin ng ICC ang “gera kontra-droga” ni Duterte.

Bahagi ang pagdadalawang-mukha ni Marcos ng tumitinding hidwaan sa pagitan ng kanyang pangkatin at ng pangkating Duterte.

AB: Sara Duterte, gustong brasuhin ang DoJ kontra ICC