“Gera kontra-droga” ng nakababatang Duterte sa Davao, maaaring makapagpabilis sa imbestigasyon ng ICC

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Maaaring makatulong sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) ang muling pagdedeklara ng “gera kontra-droga” ni Sebastian Duterte, kasalukuyang meyor ng Davao City at anak ni Rodrigo Duterte.

“Dahil muling nagpapatuloy ang mga pagpatay na maituturing na extrajudicial, maari pa itong magpabilis sa isinasagawang imbestigasyon ng ICC laban sa dating pangulong Rodrigo Duterte,” pahayag ni Atty. Neri Colmenares, punong abugado ng mga pamilya ng mga biktima ng “gera kontra-droga” na nagsampa ng kaso laban sa nakatatandang Duterte sa ICC.

Lumitaw ang posibilidad matapos napabalitang pito ang napatay sa mga operasyon ng pulis, tatlong araw matapos ideklara ng batang Duterte ang kanyang “gera kontra-droga.” Kasabay ng deklarasyon ang pagbabanta ni Duterte na papatayin niya ang mga sangkot sa droga kung hindi sila agad na aalis sa syudad.

Ayon kay Atty. Colmenares, bagamat hindi na maaaring isama sa ICC ang mga ekstra-hudisyal na pagpaslang sa muling pinabwelong “gera kontra-droga” ng nakababatang Duterte, maari itong isangguni sa ICC ng mga biktima para itulak ang korte na pabilisin ang paglilitis sa kaso dahil nagpapatuloy ang mga pamamaslang.

Ayon pa sa abugado, ang pagdedeklara ng nakababatang Duterte ng “panibagong” gera ay patunay na “palpak” ang kunwa’y “gera kontra-droga” ng kanyang ama. “Matapos ang anim na taon ni Rodrigo Duterte bilang presidente at 22 taon bilang meyor ng Davao City, mayroon pa ring drugs sa Davao? Mahiya naman si Mayor Baste kung ganun.”

AB: "Gera kontra-droga" ng nakababatang Duterte sa Davao, maaaring makapagpabilis sa imbestigasyon ng ICC