Suportahan ang laban ng mga pamilya ng biktima ng madugong drug war ni Duterte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binabati ng NDF-Bikol ang lahat ng pamilya ng mga biktima ng madugong drug war ni Duterte sa kanilang tapang at determinasyon na isiwalat sa buong mundo ang mga krimen ng dating pangulo at papanagutin ang lahat ng salarin sa kanilang utang na dugo. Sa kabila ng samu’t saring salimuot, nagsimula nang makapagsumite ng kanilang mga testimonya ang mga pamilya para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court sa malawakang pagpatay sa ilalim ng kampanya laban sa iligal na droga ni Duterte.

Ang pag-abante ng imbestigasyon ng ICC ay isang tagumpay para sa mamamayang Pilipinong naghahangad ng katarungan at babala sa kasalukuyang gubyerno ni Marcos na ipinagpapatuloy lamang ang patakarang kill, kill, kill ng nagdaang rehimen. Ayon sa @DahasPH, umabot na sa 232 ang mga pinaslang kaugnay sa gera kontra-droga mula Enero hanggang Setyembre 2022. Hindi bababa sa 79 kabilang ang tatlong menor de edad ay isinagawa sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.

Sa pamamagitan ng mga internasyunal na pagtugon at imbestigasyon tulad ng ginagawa ng ICC, hindi lamang nalalantad ang bulok na sistemang pangkatarungan sa bansa kundi naisasapubliko ang sagadsaring katangian ng isang estadong pugad ng mga pasista at mamamatay-tao at nagtatanggol sa karahasan at pagmamalabis laban sa mamamayan. Malinaw na ipinapakita ng pagmamatigas ng rehimeng Marcos na harangin ang imbestigasyon ang pangangatog ng kanilang mga tuhod sa harap ng determinadong pagtindig ng mga biktima, mga tagapagtanggol ng karapatang tao at ng buong sambayanang Pilipino.

Kaugnay nito, marapat lamang na kundenahin ang garapalang pagtataksil ng mga utak-pulburang mambabatas sa pangunguna ni Gloria Macapagal Arroyo na nagtutulak ng panukalang protektahan si Duterte mula sa pananagot sa kanyang mga krimen sa sangkatauhan at sambayanang Pilipino. Sa hanay ng mga Bikolanong mambabatas, kasama sa mga naghain ng kahiya-hiyang resolusyon si Wilton Kho, kongresista ng Masbate 3rd District. Tulad ni Duterte, nasa kamay ng mga taksil na mambabatas na ito ang dugo ng higit 33,000 pinaslang na karaniwang Pilipino sa buong panahon ng gera kontra-droga. Hindi rin nauubusan ng pakana sina Marcos Jr. at kanyang mga alipures sa pangunguna nina DOJ Sec. Crispin ‘Boying’ Remulla at Presidential Legal Counsel na si Juan Ponce Enrile upang isabotahe ang imbestigasyon. Nagbanta pa nga si Enrile na dapat hulihin ang mga tauhan ng ICC na pupunta sa bansa.

Malinaw ang pagkakahati ng mga panig sa laban na ito para sa katarungan. Sa isang banda, ang malawak na hanay ng mamamayan na naggigiit ng katarungan at ang lahat ng mga tagapagtanggol ng karapatan at sa kabilang bansa ang mga pasista at kontra-maralitang naghaharing-uring tulad nina Marcos, Duterte, Arroyo at ang lahat ng kanilang mga alipures. Sa huli, makakaasa ang sambayanang Pilipino na mula simula hanggang sa huli, sa arena man ng parlamentaryo o labas pa rito, lagi’t lagi nilang kasama ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pakikibaka para sa tunay na katarungan at kapayapaan.

Suportahan ang laban ng mga pamilya ng biktima ng madugong drug war ni Duterte