Balita

Sara Duterte, pinangaralan kaugnay sa internasyunal na batas

,

Pinangaralan ng dalawang batikang abugado sa karapatang-tao si Sara Duterte sa kanyang mapanlinlang at maling pagtingin na hindi dapat kasuhan ng krimen laban sa sangkatauhan ang kanyang amang si Rodrigo, diumano dahil 43 lamang na kaso ang pinagbatayan ng kanyang mandamyento de aresto. Ang atakeng ito ni Duterte ay inuulit-ulit ng makinarya sa disimpormasyon ng kanyang pamilya at sinunggaban naman ng mga tagasunod ng kanilang dinastiya. Si Duterte lamang ang nagpahayag ng “ligal na opinyon” na ito, at hindi ang aktwal na abugado ng kanyang ama na si Nicolas Kauffman.

Tinawag ni Atty. Krissy Conti, abugado ng mga biktima ng huwad na gera kontra-droga, ang pahayag ni Duterte bilang “simplistiko” na maaring makakumbinsi ng ilan pero hindi ng korte. Binatikos niya ang hamon ni Duterte na isapubliko ang mga pangalan 30,000 mga biktima at “patunayan” na sila ay pinatay ng kanyang ama.

“Ang ganitong uri ng pahayag ay nagiging hadlang sa mas malalim na pag-unawa at pagsisiyasat sa seryosong isyung ito,” ayon sa abugada.

Kinutya naman Atty. Neri Colmenares, isa ring abugado ng mga biktima, ang tangka ni Duterte na magkalat ng disimpormasyon. Nakapagtataka siya kung saan nanggagaling ang sinasabi ni Duterte na 30,000 dahil hindi ang bilang na ito ang aktwal na isinampa sa ICC. Aniya, bilang abugado, hindi dapat ibinabatay ni Duterte sa nababasa niya sa social media ang kanyang mga argumento kundi sa aktwal na mga datos ng kaso.

“Nakalista sa kasong isinampa namin sa ICC ang 3,417 na pinatay hanggang Hulyo 31, 2018 dahil ito ang bilang ng mga biktima na upisyal na inamin ng Philippine National Police,” paglilinaw ni Colmenares.

Gayunpaman, kung naiisip ni Duterte na hindi mahahatulan ang kanyang ama dahil di umabot sa 30,000 ang mga kasong isinampa sa ICC, nagkakamali siya, ayon kay Colmenares.

“Kung balak niyang mag-abugado para kay Pres. Duterte, dapat niyang malaman na walang nakatakdang espisipikong bilang para patunayan ang krimen laban sa sangkatauhan,” aniya. Ang kailangan patunayan ay kung mayroong “laganap o sistematikong atake sa mga sibilyan.” Ang nailatag na mga kaso sa ICC ay naganap sa iba’t ibang rehiyon at prubinsya sa loob ng anim na taon. “Hinding hindi ito maitatanggi ng mga abugado ni Duterte,” aniya.

Ang 43 kaso na binanggit ng prosekusyon sa paghingi nito ng mandamyento ay “representasyon ng laganap na mga atake, para lamang ilabas ang mandamyento de aresto, “Ang isasampang kaso sa Setyembre 23 ay maaaring sumaklaw na higit sa 43 kasong ito,” aniya.,

Anu’t anupaman, tiyak na matatalo si Duterte kung gagamitin niya ang pagdadahilan ng kanyang anak. Hindi iilang lider na ang nahatulang nagkasala sa krimen laban sangkatauhan sa halos parehong bilang ng mga kaso.

“Ma-30 o 30,000 man, ang pamamaslang na isinasagawa ng estado ay isang krimen laban sa sangkatauhan,” aniya.

AB: Sara Duterte, pinangaralan kaugnay sa internasyunal na batas