Serye ng mga aktibidad laban sa mga base militar ng US, inilunsad sa Japan
Matagumpay na naisagawa ng Asia-Wide Campaign against U.S.-Japanese Domination and Aggression in Asia o AWC-Japan at mga kaanib nitong organisasyon ang dalawang araw na aktibidadd laban sa base militar ng US sa Iwakuni, Yamaguchi prefecture noong Nobyembre 16-17. Dinaluhan ito ng mga lider ng mga progresibong unyon na naniniwalang dapat labanan ng mga manggagawang Japanese ang mga patakaran ng kanilang gubyerno na may kaugnayan sa digmaan kabilang ang pagpapalakas ng mga base militar.
Sa unang araw, nagkaroon ng porum kung saan ibinahagi ng mga manggagawa ang kaugnay na mga kampanya ng iba’t ibang mga unyon. Dumalo rin sa porum ang aktibista mula sa Okinawa Island, Miyako at Iwakuni, mga lugar na tinayuan ng US ng masasaklaw na base militar.
Sa ulat ng AWC, ibinahagi ng mga taga-Okinawa ang araw-araw na protesta ng mamamayan dito laban sa pagtatayo ng bagong base ng US Marine. Ang mamamayan naman sa Miyako Island, na malapit sa Taiwan, ay patuloy na lumalaban sa malawakang pagtatalaga ng Japanese Self-Defense Forces sa isla. Samantala, isang aktibista sa kapayapaan mula sa Soseong-ri, South Korea ang nagbahagi ng kasalukuyang sitwasyon ng kanilang pakikibaka laban sa base ng US THAAD doon sa pamamagitan ng Zoom.
Sa pangalawang araw, ayon sa ulat, isinagawa ng mga grupo ang isang pagkilos sa harap ng US Marine Air Station Iwakun. Isa ito sa pinakamalaking base miliar ng US sa Japan, kung saan nakabase ang humigit-kumulang 130 US fighter jets.
“Nagdurusa ang mga lokal na residente (dito) sa sobrang ingay at mga krimen ng mga sundalong Amerikano, kabilang ang sekswal na pang-aatake ng mga ito,” ayon sa AWC. Mula pa 2006, taun-taong nagsasagawa ang mga residente ng protesta laban sa baseng. Kasalukuyan nilang tinututulan ang pagpapalawak ng US sa naturang base nang 1.4 beses para ilatag ang bagong lapagan sa paliparan at pagtatayo ng isang malaking kompleks sa loob nito.
Nakiisa sa pagkilos ang AWC-Korea na nanawagan para sa koordinadong kampaya laban sa tatluhang alyansang militar ng US-Japan-South Korea. Lumahok din sa pagkilos ang MIGRANTE-Japan na nagsalita kaugnay sa kahalagahan ng pakikibaka laban sa Philippines-Japan Reciprocal Access Agreement (RAA) at pagpapadala ng mga tropang Japanese sa ibang bansa.
Panawagan nila ang “Ibasura ang alyansang militar ng US-Japan!”, “Itigil ang pagpapalawak ng militar sa buong bansa!” at “Palayasin ang mga tropang US sa Iwakuni, Okinawa at sa lahat ng lugar!” Tinuligsa rin nila ang papel ng US sa henosidyo sa Israel at nakiisa sa mamamayan ng Palestine.
Samantala, idinaos ang taunang protesta laban sa US X-band radar base sa Kyotango city, Kyoto prefecture noong Nobyembre 19. Nilahukan ito ng Kinki Coalition against the US X-band Radar Base.