Balita

Sibilyang magsasaka, pinaslang ng 82nd IB sa Capiz; dalawang iba pa, nasugatan

,

Napatay sa pamamaril ng mga tropa ng 82nd IB sa Barangay Minan, Tapaz, Capiz noong Pebrero 26 ang magsasakang si Peter Agudes, kilala rin bilang “Tito.” Dalawa pa niyang kasamahan ang nasugatan. Pinalalabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napatay si Agudes sa armadong engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Mahigpit na pinasinungalingan ni Perla Agudes, asawa ng biktima, na mga Pulang mandirigma ang tatlo.

Nakatira ang pamilyang Agudes sa Sityo Taroytoy, Barangay Manica, Libacao, Aklan. Simula pa 2014 ay mayroong sakahan at kaingin ang pamilya sa bayan ng Tapaz. Bago paslangin, nagsilbing barangay tanod si Peter. Naulila niya ang kanyang tatlong anak na edad 10, 13 at 16 taong gulang.

Sa panayam kay Perla ng XFM Kalibo 96.5, ala-1 ng hapon nang nagpunta sa kanilang sakahan sa Tapaz ang kanyang asawa, kasama ang pamangkin at isa pang indibidwal. Ibinahagi ni Perla na bandang alas-2 ay nakarating na sa sakahan ang tatlo.

Sa pahayag ng 3rd ID, naganap ang sinasabing engkwentro nang alas-3 ng hapon kung saan “naka-engkwentro” ng mga sundalo nito ang “hindi bababa sa pitong Pulang mandirigma” na bahagi ng diumano’y nabuwag nang mga larangang gerilya ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Panay. Tumagal umano ng limang minuto ang labanan.

Iniulat ng militar na nakumpiska sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang 30 M1 Carbine, dalawang 12-gauge shotgun, mga bala, iba pang kagamitang pandigma, dalawang bakpak, radyo at mga pagkain. Tugon ni Perla dito, sadyang mayroong mahihinang klase ng armas ang kanyang asawa at mga kasama nito dahil ginagamit ito sa pangangaso.

Mula umano sa salaysay ng pamangkin, ayon kay Perla, nangyari ang pamamaril ng mga sundalo kay Peter habang kumukuha ito ng dahon ng saging na gagamiting panangga sa ulan. Sa harap ng ulat ng militar, inilinaw ni Perla na hindi mandirigma ng BHB si Peter. Idiniin pa niya na kagagaling lamang ni Peter kamakailan sa isang pulong sa upisina ng meyor para sa darating na eleksyong 2025 at nagsilbi pa itong upisyal sa paniktik ng militar.

Samantala, inilinaw rin ng BHB-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr. Command) na walang yunit ng hukbong bayan sa lugar na pinangyarihan ng insidente sa panahong iyon. Anang yunit, tulad ng gasgas na modus ng 3rd ID ay pinalalabas nitong “engkwentro” ang naganap para takasan ang pananagutan sa kanilang karumal-dumal na krimen.

Hustisya at patas na imbestigasyon ang panawagan ng pamilyang Agudes sa pagpaslang kay Peter. Laganap rin sa social media ang giit ng mga residente at kakilala ni Peter para panagutin ang mga nasa likod ng krimen.

Ayon sa BHB-Central Panay, nagpapatuloy ang mga focused military operation ng 3rd ID sa maraming barangay sa Central Panay. “Dahil dito, apektado ang mapayapang pamumuhay ng mga katutubo at magsasaka. Limitado ang kanilang panahon sa pagtatrabaho sa mga kaingin [at] pangangaso dahil sa takot na mapagbintangan ng militar na mga kasapi ng BHB,” pahayag ng hukbong bayan.

Kasalukuyang nakahimpil ang 82nd IB sa Sityo Asinan, Barangay Jibolo, Janiuay at pinamumunuan ni Lt. Col. Jovert Pimentel. Nakapailalim ang batalyon sa kumand ng 3rd ID na pinamumunuan ng tumatayong kumander nito na si BGen. Michael Samson.

AB: Sibilyang magsasaka, pinaslang ng 82nd IB sa Capiz; dalawang iba pa, nasugatan