Sibilyang pinaratangang myembro ng BHB, dinakip ng 2nd IB
Iligal na dinakip ng mga elemento ng 2nd IB si Isabel delos Reyes, 56, magsasaka at residente ng Barangay Libertad, Cawayan, Masbate noong Abril 17. Kasunod ito ng engkwentrong naganap sa pagitan ng 2nd IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) nitong sa araw na iyon sa hangganan ng Barangay Miabas, Palanas at Barangay Libertad, Cawayan.
Pinalalabas ng 2nd IB na mandirigma ng BHB-Masbate ang kanilang nadakip. Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate, sibilyan si Delos Reyes at hindi myembro ng BHB.
Aniya, “upang palabasing kasapi ng BHB si Delos Reyes ay kinunan siya ng litrato na may hawak na baril.” Pinilit rin umano si delos Reyes na maglabas ng salaysay na kaya mayroong yunit ng BHB sa lugar ay para “mangikil” sa mga lokal na kandidato sa eleksyong 2025.
Liban sa kaso ng pag-aresto, sinindak at ginipit rin ng 2nd IB ang mga residenteng naapektuhan ng engkwentro. Ayon sa mga ulat, ilang beses pang nagpaputok at nagpaulan ng bala ang mga sundalo kahit pa wala na ang yunit ng BHB-Masbate na na kanilang nakasagupa.
Hindi rin pinayagan ng militar na magbakwit sa mga sentro ng baryo o kalapit na barangay ang mga residente na nakatira malapit sa lugar ng insidente. Sa halip, isinailalim ang mga ito sa matinding interogasyon.