SM City Santa Rosa, pinananagot sa pagkamatay ng 2 manggagawa

Nanawagan ang mga manggagawa sa Laguna sa ilalim ng Alyansa ng mga Manggagawa sa Probinsya ng Laguna (AMPL) para papanagutin ang SM City Santa Rosa sa pagkamatay ng dalawang manggagawa habang naglilinis sa septic tank o poso negro ng gusali noong Agosto 6. Nakiramay din ang grupo sa mga pamilya ng mga nasawi.

“Marapat lang na sama-sama nating papanagutin at kundenahin ang buong management ng SM City Santa Rosa sa kawalan ng sapat na seguridad para sa mga manggagawa sa kanilang kaligtasan sa lugar-paggawa,” ayon sa AMPL. “Sa pangyayaring ito, mas lalo lamang nitong pinaninindigan ang pagkilala sa kapitalistang SM na hayok at uhaw na uhaw sa pagkamkam ng super tubo habang nanatili ang bulok na kalagayan ng mga manggagawa sa usaping pangkaligtasan at kababaan ng sahod.”

Isa ang SM sa mga kumpanyang may pinakamalaking bilang ng mga manggagawang kontraktwal.

Hinamon din ng mga manggagawa ang meyor ng Santa Rosa na imbestigahan ang insidente at tiyakin ang kaligtasan ang mga manggagawa sa ilalim ng kanyang sinasakupan.

“Napakarami ng karanasan ng mga manggagawa lalo na sa loob ng mga engklabo sa Santa Rosa ang naitatala kaya dapat managot ang mga kapitalistang ito sa paglabag sa Working Standard na naaayon sa ating Labor Code,” ayon sa grupo.

Ipinakita ng pangyayaring ito ang pangangailangan na lalong patindihin at palakasin ang panawagan para sa ligtas na lugar sa pagawaa, gayundin ang nakabubuhay na sahod at katiyakan sa trabaho. Dahil sa kahirapang makahanap ng trabaho, napipilitan ang mga manggawa na suungin ang kahit anong klaseng trabaho para lamang kumita at may gastusin ang kanilang mga pamilya, ayon sa grupo.

Nanawagan ito para sa sama-samang paglalantad sa bulok na kalagayan ng mga manggagawa partikular sa Laguna at para sa patuloy na pagsusulong sa mga demokratikong karapatan sa sahod, trabaho, at iba pang karapatan.

AB: SM City Santa Rosa, pinananagot sa pagkamatay ng 2 manggagawa