Balita

Substandard na mga flood control project sa Davao City, perwisyo sa mga residente

,

Taliwas sa ipinalalabas ng pamilyang Duterte na walang maanomalyang flood control project sa Davao City, napag-alaman ng Kilab Multimedia, isang alternatibong grupo ng mga filmmaker sa syudad, ang dalawang dambuhalang proyekto na di tapos at palpak. Nagdulot ang mga ito ng perwisyo sa mga magsasaka at residenteng Dabawenyo.

Isa rito ang flood control project ng DPWH sa isang bahagi ng Barangay Bunawan, na sinumulan noon pang 2021 at hanggang ngayon ay di pa tapos. Pinabayaan lamang ng DPWH na mag-ipon ang mga bato sa tabi ng barangay nang walang ginawang ibang istruktura. Ayon sa isang residenteng nakapanayam ng grupo, regular pa rin ang abot-tuhod na pagbaha sa barangay. Wala ring ibinibigay na tulong pinansyal ang gubyerno sa mga magsasakang napipinsalaan ng pananim.

“Substandard” ang husga ng mga residente sa animo’y pinagpatong-patong lamang na mga bato at tinawag nang proyektong flood control.

Dagdag dito, pinangakuan din sila na ipagagawa ang hanging bridge sa barangay pero hanggang ngayon ay wala ding aksyon ang gubyerno. Malinaw, ayon sa mga residente, na ibinulsa ang pondo.

Natagpuan ng Kilab sa listahan ng mga proyekto sa Sumbong sa Pangulo website ang naturang flood control project. Mula 2016 hanggang 2024, taun-taon itong nilaanan ng milyun-milyong badyet hanggang umaabot ang inilaan sa tumataginting na ₱1.79 bilyong.

Isa pang proyekto ang nasa Bucana, Lasang, Davao City. Sa pananaliksik ng grupo, nilaanan ang isang flood control revetment project sa Bucana River ng ₱49 milyon. Ang kontraktor nito ay ang Alpha & Omega General Contractor and Development Corporation ng mag-asawang Discaya. Sa panayam ng mga residente, dapat natapos na ito noong 2019 pero tumagal pa ng limang taon bago ito naideklarang tapos na. Ilang taon pa lamang nakatayo ang revetment, mayroon na itong mga lamat dahil hindi raw ito nilagyan ng rebar o bakal para patatagin.

“Nagtambak lamang sila ng mga bato at binuhusan ng semento,” ayon sa isang residente. Madalas na ganito raw ang estilo ng pagtatayo ng mga istrukturang kongkreto. Di nagtagal ang istruktura at gumuho na ang bahagi nito.

“Kulang ang materyales, marami pang delay,” batikos ng isa pang residente.

Madalas na wasak ang kanilang kabuhayan sa madalas at malalakas na pagbaha sa kanilang barangay.

Karugtong ng flood control ang proyektong sea wall sa Lasang na may ₱49 milyong pondo at iginawad sa Genesis88 Construction Inc na pag-aari ng isang Glenn Escandor. Hindi pa ito natatapos hanggang ngayon, gayong dapat 2022 pa ang completion date nito, ayon sa panayam. Dahil dito, pinapasok pa rin ng tubig dagat ang maraming kabahayan sa lugar. Si Escandor ay kilalang malapit sa pamilyang Duterte at kontribyutor sa kampanya ni Sara Duterte noong 2022.

Panawagan ng mga residente, dapat panagutin ang mga salarin sa mga di tapos at substandard na proyekto.

AB: Substandard na mga flood control project sa Davao City, perwisyo sa mga residente