Balita

Taong-simbahan sa Samar, nanawagan na huwag iboto ang mga pulitikong maka-mina

,

Nanawagan si Bishop Crispin Varquez ng Diyosesis ng Borongan sa mamamayan ng mga bayan ng Borongan at Guiuan, Eastern Samar na huwag iboto ang mga kandidatong sumusuporta sa mga aktibidad ng pagmimina. Sa kanyang pastoral letter noong Enero 5, hinimok niya ang mamamayan na matatag na manindigan para sa bansa at sa kapaligiran.

Malaon nang nilalaban ng simbahan at ng mamamayan sa Eastern Samar ang pagminina sa Guiuan, partikular sa Homonhon Island. Ayon sa obispo, umabot na sa nakababahalang antas ang pagmimina. Halos kalahati na ng isla ang nakalbo dahil sa open pit mining ng apat na kumpanya sa mina. Naging “dagat ng putik” na ang katubigan at karagatang nakapaligid sa isla.

Wasak na ang kabuhayan ng mga residente sa isla. Sinisira ng sobrang alikabok mula sa minahan ang kanilang mga pananim. Nagkakaroon na ito ng masasamang epekto sa kanilang kalusugan. Wala na silang mapagkukunan ng malinis na tubig.

Nanawagan ang obispo sa mamamayan na huwag magpaloko at kilatisin nang mabuti ang mga kandidato. Idiniin niya ang pangangailangan na iwasan ang mga dinastiya sa pulitika, at suportahan ang mga lider na handang magsakripisyo para sa bayan.

Liban sa Homonhon Island, target din ng mga kumpanya sa mina na hukayin ang kalapit na isla ng Manicani. Ang nakukuhang mineral dito na nickel ay diretsong isinasakay sa mga barko patungong China.

AB: Taong-simbahan sa Samar, nanawagan na huwag iboto ang mga pulitikong maka-mina