Balita

Terorismong militar sa isla ng Negros, walang awat

,

Walang tigil ang pananalasa at pasistang paninibasib ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isla ng Negros sa nagdaang buwan. Naitala ang patung-patong na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa kasagsagan ng mga focused and sustained military operations (FSMO) nito sa maraming barangay.

Sa Negros Occidental, nagkampo ang mga sundalo ng 94th IB sa simbahan at bahay ng mga residente sa Carabalan, Himamaylan City noong Setyembre 19. Nagtagal ang tropang militar sa sentro ng komunidad sa mga sityo ng Kasipungan, Florete, at Namugsokng ng anim na araw.

Noong unang linggo ng Oktubre, sinakop naman ng 94th IB ang mga sityo ng Bonton, Medel, Sig-ang, Ortiz, Kambuongon, Tugas, at Cunalom. Nagkampo sila sa mga pampublikong gusali ng mga sityo kabilang ang mga eskwelahan.

Labis ang takot at troma na idinulot nito sa mga residente. Ilan sa kanila ay iligal at walang batayang ipinatawag ng mga sundalo para ipailalim sa interogasyon. Pinagbantaan rin ang buhay at kaligtasan ng mga residente kung hindi makipagtulungan sa 94th IB. Isang pamilya ang tinakot at arbitraryong pinalayas ng militar at CAFGU sa Sityo Pangi.

Noong Oktubre 7, niransak ng 94th IB ang bahay ng isang magsasaka sa Sityo Manluki sa Barangay Carabalan. Pinaratangan ang pamilyang may-ari ng bahay na nagtatago ng armas ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ninakaw din ng mga berdugo ang isang selpon ng pamilya.

Sa bayan ng Toboso, sapilitang pinasok at niransak ng 79th IB ang bahay ng dalawang magsasaka. Naiulat ang pagransak sa bahay ng isang magsasaka sa Sityo Tagaytay, Barangay Tabun-ac at sa Sityo Timpag, Barangay Bandila noong Oktubre 11.

Sa Negros Oriental, pinasok ng mga sundalo ng 62nd IB ang bahay ng isang magsasaka sa Barangay Trinidad noong Oktubre 3. Walang tao sa naturang bahay dahil tinutuluyan lamang ito sa panahong nagtratrabaho sa bukid ang pamilya. Pumwesto dito ang mga sundalo nang walang paalam.

Sa Guihulngan City, Negros Oriental, limang trak na punong mga sundalo mula sa Barangay Bulado ang itinalaga sa sa mga barangay sa Binobohan at Tacpao.

Naiulat rin ang pagkakampo ng 62nd IB sa mga sentro ng komunidad, simbahan at eskwelahan habang nag-ooperasyon sa Barangay Sandayao at Barangay Calupa-an sa Guihulungan City, Barangay Budlasan sa Canlaon City at Barangay Macagahay, Moises Padilla, Negros Occidental.

AB: Terorismong militar sa isla ng Negros, walang awat