Tigil-pasada kontra korapsyon at PUV phaseout, inilunsad ng mga drayber at opereytor ng dyip

Inilunsad ng mga drayber at opereytor ng dyip at iba pang pampublikong transportasyon ang tigil-pasada kahapon, Oktubre 16, para tuligsain ang korapsyon sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr). Ang tigil-pasada ng mga drayber at opereytor sa pangunguna ng grupong Manibela ay suportado rin ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Kinalampag nila ang upisina ng LTFRB bago nagtungo sa Mendiola sa Maynila kung saan nagprotesta ang 200 indibidwal. Ipinabatid nila sa protesta ang pagtutol sa malawakang korapsyon sa mga ahensya sa transportasyon at paggigiit na isuspinde ang pagtatanggal o phaseout ng mga jeep sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Lumahok din sa tigil-pasada at protesta ang mga grupo mula sa Cabuyao at Santa Rosa sa Laguna at iba pang bahagi ng Metro Manila.

“Itinuturing naming mahalagang ambag at hakbang ang anumang porma ng militanteng pagkilos sa pagsusulong ng interes ng mamamayan para sa makamasang pampublikong transportasyon laban sa monopolyo kontrol ng malalaking korporasyon sa pamamagitan ng Omnibus Franchising Guidelines at PUV Modernization Program,” ayon sa Piston.

Anila, napakahalaga ngayon na kontrahin ang PUV Phaseout lalo na at palapit nang palapit ang palugit sa franchise consolidation na itinakda ng estado sa Disyembre 31, 2023. Giit ng grupo, tanging ang pagbabalik ng proseso ng Sale-and-Transfer pa lang ang ipinatupad ng LTFRB mula nang natulak ang Malakanyang na makipagyadalogo sa mga grupo nang magtigil-pasada noong Marso. “Lumipas na ang pitong buwan…tuloy-tuloy pa rin ang sapilitang consolidation, na katumbas ng pagnanakaw ng prangkisa ng mga opereytor,” anila.

Determinado ang mga grupo ng drayber at opereytor na harapin ang nalalapit na palugit ng may mas malakas na pagkakaisa. Anito, “tinatanaw ng PISTON ang pagdami at paglawak pa ng mga iba’t ibang porma ng pagkilos para aktibong labanan ang pakanang corporate takeover ng pampublikong transportasyon, sa wangis ng pekeng modernisasyon kung saan tanging malalaking negosyanteng dayuhan at lokal, at mga kasabwat na burukrata at mga oportunistang lider ang nakikinabang sa bogus na programang PUVMP.”

AB: Tigil-pasada kontra korapsyon at PUV phaseout, inilunsad ng mga drayber at opereytor ng dyip