Balita

Tigil-putukan sa Gaza, hindi sapat; pagtigil sa henosidyo, ipinanawagan

, ,

Mahigit 100 organisasyon ng mamamayan mula sa 26 bansa, kabilang ang mga pambansa-demokratikong organisasyon sa Pilipinas, ang muling nananawagan para sa agaran na pagtigil sa gerang henosidyo ng Zionistang Israel laban sa mamamayang Palestino.

“Nagsama kami sa aming galit sa nagpapatuloy na genocidal famine (gutom bilang porma ng henosidyo) sa Gaza na inilulunsad ng rehimeng Israeli at suportado ng mga alyadong imperyalista nito sa pangunguna ng US,” ayon sa pahayag ng mga grupo na inilabas noong Oktubre 16, World Food Day.

Pinangunahan ang pinag-isang pahayag ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS), PAN Asia Pacific, Palestinian Farmers Union, Arab Group for the Protection of Nature, Asian Peasant Coalition, Philippines-Palestine Friendship Association, Food Sovereignty Alliance-India, at Pakistan Kissan Mazdoor Tehreek.

Naniniwala ang mga syentista at dalubhasa na bumibilang na sa 680,000 ang cumulative death toll ng mga Palestino, kung saan 380,000 ay mga sanggol at mga batang edad 5-pababa. Nasa 65,000 sa kanila ay direktang napatay ng mga bomba at bala ng mga sundalong Israeli.

Nakapagtala naman ang mga internasyunal na ahensya ng 400 na pagkamatay dahil sa matinding gutom, kasama ang 140 bata. Samantala, nasa 3,000 ang napatay habang naghihintay o nakikipag-agawan ng ayuda at pagkain, marami sa mga “death trap” ng Gaza Humanitarian Foundation na pinatatakbo ng mga sundalong Amerikano at Israeli.

Ang patuloy ang pag-aarmas at ibinibigay na suporta ng mga imperyalistang bansa sa Israel, sa pangunguna ng US ang nagtutulak sa henosidyong ito, ayon sa pahayag.

“Pinatunayan ng US at mga Kanluraning imperyalistang bansa na direkta silang katuwang sa mga krimen sa digma ng Israel,” ayon sa pahayag. Mga bomba ng US ang sumisira sa suplay at mga bodega ng pagkain, habang aktibong tumutulong ang mga pulitikong Amerikano para ipatupad ang blokeyo ng pagkain sa mga hangganan ng Gaza.

“Mariin naming tinututulan ang kampanyang henosidyo ng rehimeng Netanyahu at ang mga imperyalistang patakaran ng US at mga Kanluraning imperyalista na gumagatong at nagsusustine dito,” ayon sa mga grupo. “Ang bawat kamatayan na dala ng matinding kasalanan ay isang pagpatay, at ang bawat veto sa UN Security Council ay pag-endorso sa gayong pagpatay,” anila.

Sinimulang ipatupad sa Gaza ang isang tigil-putukan na pinamagitan ng US noong Oktubre 13. Taliwas sa ipinagmamayabang ng presidente ng US na si Donald Trump na isa itong “regalong diplomatiko,” tinitingnan ng mga tagasuporta ng Palestine ang pagpasok ng Israel sa kasunduan bilang resulta ng di natitinag na paninindigan ng mamamayang Palestino na hindi isuko ang kanilang lupa.

“Ang karapatan ng mamamayang Palestino para lumaban ay di nagtatapos sa isang tigil-putukan,” ayon sa ILPS. Katunayan, isa itong paalala na tanging sa matapang na paglaban ng mamamayan makakamit ang hustisya. “Habang ang naabot na tigil-putukan ay isang bagay na dapat ipagdiwang, malayo pa ang pagkakamit ng hustisya para sa mamamayanng Palestino.”

Sa kabila ng tigil-putukan, nagpapatuoy ang mga atake ng Israel sa Gaza City, ang syudad na tinangka nitong lubusang okupahin sa pamamagitan ng walang pakundangang pambobomba sa natitirang mga gusaling residensyal. Kahit sa panahon ng negosasyon para sa tigil-putukan noong Oktubre 13, 44 ang napatay at 100 ang nasugatan sa pang-aatake ng Israel.

Sa bahagi ng Hamas, tinupad na nito ang mga probisyon ng unang phase ng tigil-putukan na pagpapalaya sa lahat na 20 natitirang hawak nitong buhay na bihag. Sinimulan na rin nitong ilipat ang kustodiya ng 23 bangkay ng mga bihag na napatay dahil sa walang awat na pang-aatake ng Israel. Nasa 200,000 mamamayan ang naglalakad pabalik ng Gaza City para unti-unting bumawi sa nawasak nilang mga buhay.

Bilang katapat, pinalaya ng Israel ang 2,000 bilanggong pulitikal, karamihan mga menor-de-edad. “Binabaan” na rin nito ang bilang ng mga pang-aatake, na dating nagreresulta sa pagpatay ng abereyds na 100 Palestino kada araw.

Noong Enero, pumasok na rin sa tigil-putukan ang dalawang panig, pero tuluy-tuloy itong nilabag ng Israel hanggang unilateral nitong ibinagsak noong Marso.

AB: Tigil-putukan sa Gaza, hindi sapat; pagtigil sa henosidyo, ipinanawagan