Balita

Todo-largang operasyong militar ng rehimeng Marcos sa kanayunan ngayong kapaskuhan, kinundena ng mga magbubukid

,

Kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang uhaw-sa-dugong deklarasyon ng Department of National Defense (DND) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magtutuluy-tuloy at paiigtingin nito ang mga operasyong kombat sa kanayunan ngayong kapaskuhan. Anang mga magbubukid, patitindihin nito ang mga paglabag sa karapatang-tao laluna sa mga magsasaka sa balangkas ng kontra-insurhensyang kampanya ng rehimen.

Noong Disyembre 18, inianunsyo ni DND Sec. Gilberto “Gibo” Teodoro Jr na hindi magdedeklara ng tigil-putukan ang rehimeng Marcos sa kapaskuhan. Samantala isang araw bago noon, ipinahayag na ni Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP, na magpapatuloy ang mga operasyong militar nito.

“Idindiin ng hindi pagdeklara ng tigil-putukan ng mga salarin ng paglabag sa karapatang-tao ang kampanya ng terorismo at pagpapadanak ng dugo ng AFP laban sa mga magsasaka sa nagdaang taon,” ayon sa KMP. Anang grupo, maraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa nagdaang taon ang tumarget sa mga magsasaka kabilang ang mga lider ng KMP.

Sa talaan ng Ang Bayan, 30 sa 56 biktima ng mga pagpaslang mula Disyembre 1, 2023 hanggang Disyembre 1, 2024 ay mga magsasaka. Halos lahat ng mga kasong ito ay pinalalabas ng militar na mga “engkwentro” sa mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan. Sa kabuuan, hindi bababa sa 66,701 magsasaka ang biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng Marcos sa panahong iyon.

“Ang pamasko ng mga nasa gubyerno sa mga mamamayan ay hindi ginhawa kundi bala at pananakot sa mga komunidad sa kanayunan. Pinatunayan na sa kasaysayan na tanging dahas lang ang alam na tugon ng mga nasa poder sa harap ng malawakang kagutuman at pagkalugmok sa kahirapan”, pahayag ni Danilo “Ka Daning” Ramos, tagapangulo ng KMP at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Dagdag pa ng tagapagsalita, “sabi ni Teodoro [na] ‘Jurassic’ ang mga rebolusyonaryong grupo, ngunit siya ang tunay na inaalikabok na at makaluma sa pagpanatili niya sa umiiral na atrasadong kaayusan ng lipunan kung saan wala pa ring lupa ang mga magsasaka.”

Sa harap ng banta ng rehimeng Marcos ng pagpapatindi ng mga operasyong militar nito, nagbabala ito sa mga magsasaka na mag-ingat at maging mapagbantay. Sa pagtatapos rin ng 2024 tinatarget ng rehimen na tuluyang durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa bansa.

AB: Todo-largang operasyong militar ng rehimeng Marcos sa kanayunan ngayong kapaskuhan, kinundena ng mga magbubukid