Balita

Tumaas daw ang paggasta ng mga pamilya kaya sumirit ang mga presyo?

Buong ipinagmalaki ng mga upisyal ng estado ang paglago umano ng ekonomya sa batayang tumaas ang gross national product sa gitna ng pagsirit ng tantos ng implasyon. Isa sa sinasabi nilang salik ang paglaki ng demand na makikita sa pagtaas din ng paggasta ng mga pamilya (household spending) habang “bumabalik na” ang mamamayan sa “buhay bago ang pandemya.” Lumikha diumano ito ng “pagtaas ng demand” na itinuturo nilang isa sa mga salarin kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin.

“Buwaon! Hirap na hirap na mga tawo didi, nanun insasabi nila na lumalaki ang demand? Wara ngani pambakal an mga tawo!” (Sinungaling! Hirap na hirap na ang mga tao dito, anong pinagsasabi nilang tumaas ang demand? Wala ngang pambili ang mga tao!) Ito ang reaksyon ni Mang Tani, 37-taong gulang na manggagawang bukid mula sa Sorsogon, nang tanungin siya kaugnay dito.

Nagtala ang kalakhan ng rehiyon ng Bicol ng 7.2% na tantos sa implasyon noong Oktubre, mas mataas nang 0.6% kumpara sa Setyembre. Tulad sa ibang bahagi ng bansa, pinakamabilis ang pagsirit ng mga presyo ng pagkain sa rehiyon (7.8% sa Oktubre mula 6.1% noong Setyembre) at nakalalasing na inumin at tabako (9.3% mula 7.4).

Ang mga pagtaas na ito ay dagdag na pasanin kay Mang Tani, na nagtatrabaho sa isang niyugan. Nakikitanim siya sa lupa ng kanyang mga magulang na tenante ng kamoteng kahoy para makadagdag ng kita. Minsan-minsan, nag-aahente siya sa mga hayupan.

“Wala akong dagdag na kita ngayon,” aniya. “Mas lalo pa ngang gipit.” Sa kabuuan ng rehiyon, nakapako ang sahod sa lahat ng sektor sa ₱345/araw. Malayong-malayo ito sa ₱1,119 na nakabubuhay na sahod para sa 5-kataong pamilya.

Liban sa mas mahal na pagkain, kailangan ni Mang Tani na magpasulpot ng pambaon sa dalawa niyang anak na nag-aaral. Sa upisyal na estadistika ng Philippine Statistics Authority, walang pagbabago sa implasyon sa edukasyon sa rehiyon, pero marami sa mga pamilya dito ay nagdagdag ng gastos sa pagpapaaral dulot ng pagbubukas ng face-to-face na mga klase.

“Hindi na kami nakabibili ng gatas at bitamin ng mga bata o mga damit nila,” aniya. Wala na silang ginagastos para sa alak o sigarilyo o anumang labas sa pinakabatayang pangangailangan. May hinuhulugan siyang motor na ginagamit niya sa kanyang trabaho.

“Doble kayod para kumita dahil sa taas ng mga presyo.”

Gayundin nag kalagayan ni Mai Sinay, isang 65-taong gulang na may sinasakang 5-ektaryang lupa kasama ng kanyang pamilya. Di sapat ang kanilang kita, kahit pa may inaalagaan silang baka at kalabaw na nagagamit nila sa bukid.

“Kulang na kulang sa badyet ang kita,” kwento niya. May inaalagaan siyang limang apo, edad lima hanggang 16-taong gulang. Dahil sa napakababang kita sa bukid, umaasa siya sa ipinapadala ng kanyang anak na nagtatrabaho bilang konstruksyon worker sa Maynila.

“Liban sa pagkain, pinakamabigat ang singil sa kuryente,” aniya. “Dagdag pa ang mga pang-prodyek ng mga bata.”

Wala nang gastos sina Mai Sinay labas sa pinakabatayang mga pangangailangan. Para magkasya, mas kaunti na lamang ang binibili nilang kantidad.

“Mantika, itlog at bawang,” tugon niya sa tanong kung anu-ano ang binawasan niya sa kanyang mga binibili. “Yung sibuyas, dating isang kilo para sa isang linggo. Ngayon pang-2 linggo na.”

“Hindi na ako nakakabili ng gatas, bitamina ng mga bata. Asukal, konti na lang din.”

Tulad ni Mang Tani, di makapaniwala si Mai na tumaas ang gastos ng mga pamilya dahilan ng “paglago” ng ekonomya.

“Hindi naman (lumaki ang demand)! Mas kumunti nga dahil walang pambili,” aniya. “Mas kumunti rin ang nabibili.”

Ang nadagdag sa kanilang gastos ay ang pamasahe ng kanyang mga apo dahil sa pagbubukas ng face-to-face na klase. Dagdag na gastos din ang gamit sa eskwela at mga prodyek.

Dagdag na pasanin ni Mai at kanyang pamilya ang mababang bilihan ng kopra. “Gagastos ka ng ₱400, ₱500 para sa kawit, tapos pamasahe pa papunta sa pisaran. Lugi ka na agad kasi tumaas ang pamasahe.”

Pinatutubo na lamang nila ang niyog kahit pa umaasa sana sila sa kita dito para ipangkumpuni sa kanilang bahay.

“Wala kasi kaming tubig kaya bibili sana ako ng hose,” kwento niya. Balak din sana nilang magpagawa ng palikuran pero wala silang pambili ng materyal.

“Buti na lang wala na kaming baboy,” kwento niya. “Dyos ko, kung nagkataon, tapos may ASF pa, luging-lugi talaga kami!”

AB: Tumaas daw ang paggasta ng mga pamilya kaya sumirit ang mga presyo?