Balita

Tutulan ang pagbabayad sa IMF, giit ng mamamayang Argentine

,

Puu-puong libong Argentinian ang humugos sa mga lansangan ng Buenos Aires, kabisera ng Argentina, noong Pebrero 8 para tutulan ang pakikipagkasundo ng gubyerno ni Pres. Alberto Fernandez sa International Monetary Fund (IMF) kaugnay sa pagbabayad ng $44.5-bilyong utang. “Tutulan ang kasunduan sa IMF!” at “Tutulan ang pagbabayad sa IMF!” ang sigaw ng mga raliyista matapos ianunsyo ang kasunduan noong Enero 28 na may layunin umanong pasikarin muli ang ekonomya ng bansa.

Ang Argentina, ang ikalawang pinakamalaking bansa sa South America, kasunod ng Brazil, na may populasyong mahigit 45 milyon. Sumadsad ang ekonomya ng bansa noong 2018 nang ipatupad ng gubyerno ni Mauricio Macri ang mga neoliberal na patakarang piskal bilang kundisyon ng IMF sa $50 bilyong pautang nito noong taong iyon. Kabilang sa kundisyon ng IMF ang paglimita sa taunang gastos ng gubyerno sa 4.4 porsyento lamang ng gross domestic product. Bunga nito, sumadsad ang ekonomya ng Argentina: -2.6% noong 2018, -2% noong 2019, at -9.9% noong 2020 sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19. Dahil sa malalang krisis, natulak ang IMF na kanselahin ang pautang nito noong Hulyo 2020.

Inamin ng IMF noong nakaraang taon na naging “mapangwasak” sa bansa ang idinikta nitong labis-labis na pagtitipid.

Mahigit isang taon nakiusap ang gubyernong Fernandez sa IMF na buuin ang isang programang “extended fund facility” na magbibigay ng apat at kalahating taong palugit o hanggang 2025 bago muling simulan ang pagbabayad-utang nito. Nakatakda sanang magbayad ang Argentina sa IMF ng $19 bilyon ngayong taon, $20 bilyon sa 2023, at $4 bilyon sa 2024. Ayon sa mga ekonomista, $4 na bilyon na lamang ang reserbang dolyar ng Argentina para bayaran ang utang nito.

Iginigiit ng mamamayang Argentine na kanselahin na ang pagbabayad-utang sa IMF. Ayon kay Juan Carlos Giordano, isa sa mga lider-manggagawa na nanguna sa protesta, lalong inilugmok ng programa ng IMF ang mga manggagawa sa kahirapan. Iginiit niya na dapat gamitin ng gubyerno ang pondo nito para iahon sa kahirapan ang mamamayan. Dagdag pa ng isang raliyista, “Gusto nilang bayaran natin (ang utang). Hinuhuthutan nila tayo. Huwag nating hahayaan ang ating mamamayan na lumuhod sa IMF.”

Binatikos nila si Fernandez sa kanyang pagkakaltas sa subsidyo ng gubyerno sa kuryente, isa sa mga patakarang pagtitipid na ipinataw ng IMF para makapagbayad ang estado ng utang. Noong nakaraang taon, naglaan ang gubyerno ng $10-bilyong subsidyo sa mga kumpanya sa kuryente para panatilihing mababa ang singil. Kalkhan sa mga pamilya ay nagbabayad lamang ng $2 kada buwan. Tinataya ng mga ekonomista na sisirit ang singil sa kuryente at natural gas nang 17% hanggang 20% simula ngayong taon dulot ng pagkaltas na ito. Bago maupo sa pwesto, kilala si Fernandez sa pagiging kontra sa mga patakang neoliberal.

Noong 2021, umabot nang 50% ang tantos ng implasyon sa bansa, at 36% noong 2020. Kabilang sa pinakamabilis sumirit ang singil sa transportasyon (58%), at presyo ng mga pagkain (50%). Ayon sa mismong sarbey ng Central Bank ng Argentina, inaasahang sisirit hanggang 55% ang kabuuang tantos ng implasyon sa bansa ngayong taon dulot ng mga kaltas sa mga subsidyo at pagpaimbulog ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Papasanin ito pangunahin na ng 20.5% ng populasyon (9.23 milyon) na kumikita lamang ng mas mabababa pa sa $5.5 kada araw.

Sa kaugnay na balita, nagwelga noong Pebrero 7 ang mga kasapi ng Private Oil and Gas Union, ang pinakamalaking unyon ng mga manggagawa sa industriya ng langis sa bansa at kumakatawan sa 24,000 manggagawa sa tatlong pubinsya. Nanawagan sila ng dagdag na sahod na anila’y napag-iwanan na ng implasyon. Ayon sa unyon, “Lagi’t lagi na lang kinakain ng implasyon ang aming mga sahod. Ngayon, igigiit namin kung ano ang gusto namin.”

AB: Tutulan ang pagbabayad sa IMF, giit ng mamamayang Argentine