Mga estudyante sa Cebu City, nagwalk-out laban sa pagtaas ng matrikula at panunupil
Nagmartsa ang mga estudyante ng iba’t ibang unibersidad sa Cebu City kahapon, Marso 17, laban sa pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa paaralan, banta sa akademikong kalayaan at pampulitikang panunupil. Tinatayang 300 estudyante at kabataan ang nakiisa sa walk-out at martsa.
Lumahok sa pagkilos ang mga estudyante ng University of San Carlos (USC), Cebu Normal University (CNU), University of San Jose Recoletos (USJR), Southwestern University (SWU) at University of the Philippines (UP)-Cebu. Bago nagsama-sama sa Fuente Osmeña Circle ang mga estudyante, nagsagawa muna sila ng mga pagkilos sa kampus ng USC at CNU.
Sa CNU, binatikos ng mga estudyante ang patuloy na pag-iral ng “online learning” sa unibersidad na unang ipinatupad noong panahon ng pandemya. Ayon sa mga estudyante, ang 75% online at 25% onsite na mekanismo sa unibersidad sa kasalukuyan ay mayroong negatibong epekto sa kalidad ng edukasyon at nagpapahirap sa kanila. Binatikos rin nila ang kaltas-pondo sa CNU at mga state universities and colleges sa bansa.
Sa USC, kinunenda ng mga grupo ang tumataas na mga bayarin sa unibersidad, arbitraryong pagpataw ng mga patakaran ng Office of Student Formation and Activities, at mga banta sa karapatan sa pag-oorganisa ng mga kabataan, at sa malayang pagpapahayag. Katulad na sentimyento ang ipinahayag ng mga estudyante ng ibang pribadong unibersidad na lumahok sa protesta.
Dumalo sa demonstrasyon si Jose Paolo Echavez, ikalawang nominado ng Kabataan Party-list. “Tumitindi ang mga pag-atake sa ating [sektor]. Nabawasan ang ating badyet, tinatanggalan ng espasyo ang mga estudyante,” ayon kay Echavez. Ipinahayag ng lider-kabataan na sa harap ng mga hamon at panggigipit na ito, pagkakaisa ang armas ng mga kabataan.
Hinimok ni Echavez ang kapwa kabataang Cebuano na tuluy-tuloy na kumilos para sa karapatan sa edukasyon at iba pang demokratikong mga karapatan. Mahalaga din umanong makisangkot ang mga kabataan sa mga pambansang isyu katulad ng pagpapanagot kay Rodrigo Duterte sa mga krimen sa sangkatauhan, pagpapatalsik sa kurakot na bise presidenteng si Sara Duterte at paniningil sa adminstrasyong Marcos sa tumitinding krisis panlipunan.