Balita

Administrasyon ng UST, siningil sa pananagutan sa pagpapatiwakal ng isang estudyante

,

Nanawagan ang Kabataan Party-list-University of Sto. Tomas (KPL-UST) ng pananagutan mula sa administrasyon ng UST kasunod ng pagpapatiwakal ng isang estudyante nito. Naiulat ang pagpapakamatay ni Junver, 22, isang estudyante sa UST College of Rehabilitation Sciences noong Mayo 17 dahil sa presyur sa pag-aaral.

Ayon sa ulat ng kanyang pamilya, ibinahagi ni Junver sa isang sulat na kanyang iniwan na hindi na nakayanan ng estudyante ang presyur matapos bumagsak sa ikalawang pagkakataon sa isang asignatura. Nakatakda sanang magtapos sa Hunyo si Junver.

Ibinahagi rin ng kapatid ng biktima na walang ibang bagsak na grado si Junver sa buong panahong nag-aaral sa unibersidad. Nagtapos si Junver ng hayskul sa Philippine Science High School-Cagayan Valley Campus.

“Higit pa sa pagluluksa, kinakailangan sa pagkakataong ito ang kolektibong galit, pagninilay-nilay, at matapang na tugon,” pahayag ng KPL-UST. Dagdag pa ng grupo, ang dinaranas na mga hamon na ito ng mga estudyante ay hindi nahihiwalay sa iba pang mga usapin at malinaw na sistematikong kinahaharap ng mga kabataan.

“Sa iba’t ibang unibersidad, nahaharap ang mga estudyante sa isang kultura ng akademya na inuuna ang performance kaysa sa kagalingan, pagtupad kaysa malasakit, at resulta kaysa sa tunay na pagkatuto,” anang grupo.

Naniniwala ang KPL-UST na ang trahedya ng pagkamatay ni Junver ay isang salamin ng tahimik na krisis na nakakaapekto sa libu-libong estudyante. “Sobrang bigat ng akademikong gawain na halos walang pagkakataong magpahinga o makabawi; Takot sa pagkabigo, pagkawala ng scholarship, o mapag-iwanan; At patuloy na pagkabalisa, burnout, at depresyon, na lalo pang pinapalala ng kakulangan ng sapat na suporta mula sa institusyon,” anito.

Nanawagan ang grupo sa administrasyon ng UST na dapat umalpas ito sa retorika ng pakikisimpatya sa mga estudyante at sa halip ay mapagpasya at makabuluhang tugunan ang mga isyu para protektahan ang sariling mga estudyante.

Anang grupo, dapat magkaroon ng independyente at bukas na imbestigasyon hinggil sa mga pangyayari sa pagkamatay ni Junver. Itinutulak rin nila ang reporma sa kurikulum sa loob ng College of Rehabilitation Sciences at pagpapalakas sa mga serbisyo para sa kalusugan ng isip sa loob ng unibersidad.

“Kailangan natin ng mga serbisyo para sa kalusugan ng isip na tunay na kumakalinga sa mga estudyante, mga serbisyong abot-kaya, may sapat na pagsasanay sa pagharap sa tunay na mga suliranin, at nakabatay sa malasakit,” ayon pa sa KPL-UST.

Pinuna rin ng grupo ang pag-iral ng isang Outcomes-Based Education sa bansa. Anito, ang OBE ay isang balangkas na ginagamit sa lahat ng mga kolehiyo at unibersidad na itinutulak ng Commission on Higher Education. Hinuhulma umano ng ganitong edukasyon ang mga estudyante na parang mga robot na tumutugon lamang sa pangangailangan ng industriya at pandaigdigang pamantayan.

“Ang panawagang hustisya para kay Junver ay para sa lahat ng mga estudyante,” pagdidiin ng KPL-UST. Anito, ang paraan ng pag-alala sa buhay ni Junver ay sa pagsusulong ng isang hinaharap na walang estudyante ang nasasandal sa pader dahil sa kinahaharap na sitwasyon sa loob ng mga unibersidad.

AB: Administrasyon ng UST, siningil sa pananagutan sa pagpapatiwakal ng isang estudyante