Unyon ng kaguruan ng Lyceum, nagsampa ng notice of strike
Nagsampa ng notice of strike noong Marso 26 ang Lyceum Faculty Association (LFA) sa upisina ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) dahil sa deadlock sa kanilang negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) sa administrasyon ng Lyceum of the Philippines University (LPU). Nagpahayag ng suporta sa laban ng kapwa nila guro ang Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Private Schools.
Iginigiit ng LFA sa kanilang CBA ang dagdag sahod, alawans, at pagpapatanggal ng sapilitang pagreretiro matapos ang 20 taong serbisyo ng mga guro. “Ang pag-aalinlangan ng pamunuan na ibahagi ang kasaganaan sa mga lumilikha nito—tayo, ang mga guro—ay nagpapalakas lamang sa ating determinasyon,” pahayag ni Ms. Jovy Cuadra, presidente ng LFA.
Ayon sa ACT-Private Schools, kinikilala nito ang kahalagahan ng marangal na layunin ng LFA sa pagkamit ng patas na benepisyo sa ekonomya at makatarungang pagtaas ng sahod. “Lalo na sa panahong patuloy na binabalikat ng mga guro ang mabigat na pasanin ng mga krisis sa ekonomya at tumataas na gastos sa pamumuhay sa gitna ng napakaliit na kompensasyon,” anito.
Hinimok ng ACT-Private Schools ang administrasyon ng LPU na tugunan ang kahingian ng mga guro na may sentrong tungkulin sa pagtataguyod ng misyon ng unibersidad para sa isang de-kalidad na edukasyon.
Dagdag ng grupo, ang karanasan ng kaguruan ng LPU ay hindi nalalayo sa panawagan at hinaing ng iba pang mga guro sa pribadong sektor. “Sa pagdami ng mga guro sa pribadong paaralan na naninindigan para sa kanilang karapatan, napapanahon na para kilalanin ang kahalagahan ng pagbibigay prayoridad sa kagalingan ng mga guro na humuhubog sa hene-henerasyon ng mga estudyante,” anang grupo.
Noong Marso 25 lamang ay nagsampa rin ng notice of strike ang University of Santo Tomas Faculty Union (USTFU) dahil sa deadlock sa negosasyon para sa CBA. Kung patuloy na magmamatigas ang pamunuan ng mga unibersidad, maaaring magwelga ang mga unyon ng kaguruan sa LPU at UST sa darating na Mayo, alinsunod sa mga batas sa paggawa.