Unyon ng kaguruan sa UST, nagdeklara ng deadlock sa negosasyon sa CBA
Upisyal na idineklara kahapon, Marso 14, ng University of Sto. Tomas Faculty Union (USTFU) ang deadlock sa pakikipagnegosasyon nito sa administrasyon ng UST para sa 2021-2026 collective bargaining agreement (CBA). Idineklara ng unyon ang deadlock dahil sa di katanggap-tanggap na mga alok ng administrasyon. Isang taon na ang negosasyon para sa CBA.
Kabilang sa iginigiit ng USTFU ang 100% benepisyo sa kalusugan para sa lahat ng kasapi ng unyon, mas mataas na badyet para sa mga promosyon, Christmas bonus, longevity pay, dagdag na araw ng bakasyon, pagkakaloob ng 11th at 12th month pay para sa mga propesor, at iba pa. Panawagan rin nilang kaagad na ibigay sa mga guro at empleyado ang ₱220 milyong alokasyon mula sa 70% bahagdang matatanggap ng mga kaguruan mula sa koleksyon ng matrikula sa akademikong taon ng 2020-2021 at 2023-2024.
Noong Marso 10, nagsagawa ng pangkalahatang asembleya ang mga kasapi ng USTFU para talakayin ang pinakahuling alok ng administrasyon ng UST. Kasunod nito, bumoto ang mga guro kung pabor o hindi ang mga kasapi sa alok sa CBA. Umabot sa 680 mga guro sa kabuuang 1,193 na bumoto ang tumutol sa alok ng administrasyon habang 400 ang pumayag at mayroong 113 na hindi valid ang boto. Samantala, nasa 150 ang hindi bumoto.
Sa panayam ng Varsitarian, pahayagang kampus ng UST, sa presidente ng USTFU na si Emerito Gonzales, sinabi niyang magkakaroon ng mga serye ng aktibidad ang unyon at inaasahan nilang lalahok ang mga myembro ng unyon para ipakita ang kanilang pakikiisa sa paglaban para sa makabuluhang CBA. “Para sa paghawan ng landas tungo sa mas mainam na mga benepisyo, mas matatag na unyon, at makabuluhang pagbabago sa ating minamahal na Unibersidad,” aniya.
Nagpahayag ng suporta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Private Schools sa pakikibaka ng unyon at kaguruan ng UST para sa isang makabuluhang CBA na makakabenepisyo sa lahat ng sektor ng unyon. “Nagbibigay inspirasyon ang kanilang determinasyon sa iba pang mga unyon at organisasyon ng kaguruan sa iba pang unibersidad para ipaglaban ang kanilang mga karapatan,” ayon kay David Michael San Juan, upisyal sa impormasyon ng ACT Private Schools at ikatlong nominado ng ACT Teachers Party-list.
Idiniin ng ACT Private Schools ang pangangailangang magkaisa ang kaguruan para maisulong ang kanilang panawagan. Ayon kay San Juan, napakahalaga umano sa pagkakataong ito na bumuo ng konsensus ang mga myembro ng unyon at “magkaisa sa isang plano na ayon sa boto ng mayorya.”
Suportado rin ng mga estudyanteng Tomasino ang mga hakbang ng unyon. “Ang ekonomikong laban na ito [ng unyon] ay isang pampulitikang pakikibaka para sa aming mga Tomasino dahil kaugnay ito ng aming kampanya laban sa tuition and other fees increase (TOFI),” pahayag ng League of Filipino Students-UST.
Partikular na pinuna ng LFS-UST ang hindi pagbibigay ng administrasyon ng UST sa kaguruan ng bahagdang nalilikom ng unibersidad sa sinisingil na matrikula sa kabila ng serye ng mga pagtataas sa nagdaang mga taon. Anila, napakalaki na ng kinikita ng UST mula sa matrikula ay hindi pa ito inilalaan sa dapat paglaanan.
Ipinahayag ng grupo na magsisikap silang ipabatid sa mas maraming estudyante ang laban na ito ng kaguruan. Magiging bahagi ito ng kanilang kampanya para tutulan ang tinawag nitong tumitdinding komersyalisasyon sa edukasyon sa unibersidad.
Kasunod ng deklarasyon ng deadlock, magkakaroon ng limang araw na panahon ng “cooling off” ang unyon at administrasyon ng UST. Matapos nito, kung hindi pa rin matutugunan ang hinaing ng unyon ay magsasampa sila ng Notice of Strike (NoS) sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB). Sa ulat ng Varsitarian, nakatakdang maghain ng NoS ang pamunuan ng unyon sa Marso 24.
Ayon sa ACT Private Schools, malaking hamon ito sa administrasyon ng UST at mahalagang muli nilang pagnilayan ang dinaranas ng kanilang kaguruan at pakinggan ang kanilang mga kahingian.